
“Madaling mangarap, pero hindi madaling magtagumpay. Kailangang sabayan ito ng sipag, tiyaga, at pananampalataya.”
Ito ang aral na isinabuhay ni May Loreno, isang dating child beneficiary ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na ngayo’y isa nang ganap na guro at inspirasyon sa kaniyang komunidad sa Brgy. Calabnigan, Libmanan, Camarines Sur.
Noong 2011, nabiyayaan ang pamilya ni May ng pagkakataong makasali sa programang 4Ps ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Lubos ang pasasalamat ng kaniyang mga magulang na sina Tatay Martin at Nanay Evelyn, dahil sa wakas, may katuwang na sila sa pagtugon sa mga pangunahing pangangailangan lalo na sa edukasyon ng kanilang mga anak.
Ngunit higit pa sa ayuda, pinahahalagahan ng kanyang inang si Evelyn ang mga aral mula sa Family Development Sessions (FDS). Ang mga natutunan niya sa FDS ay naging gabay sa mas maayos na pagpapalaki sa kanilang mga anak, at naging pundasyon ng kanilang mas maunlad na pamumuhay.
Pag-usbong ng Pangarap
Sa kabila ng limitadong yaman, hindi nawalan ng pag-asa ang pamilya Loreno. Unti-unting naabot ng magkakapatid ang kanilang mga pangarap. Sa katunayan, tatlo sa kanila ang nakapagtapos na ng kolehiyo, at dalawa ay nagtuturo na sa parehong paaralan sa kanilang barangay.
Noong Hunyo 2021, nagtapos si May ng Bachelor of Secondary Education Major in Filipino sa Central Bicol State University of Agriculture (CBSUA). At noong Oktubre 2022, isa siya sa mga matagumpay na nakapasa sa Licensure Examination for Teachers (LET)—isang malaking hakbang patungo sa katuparan ng kanyang pangarap.
Pagtupad sa Tawag ng Serbisyo
Bilang isang bagong guro, nagsimula si May bilang volunteer teacher sa Calabnigan Green Meadows High School. Hindi naging hadlang ang kakulangan sa sahod upang makapagturo, dahil para sa kanya, ang propesyon ay isang misyon. Noong Enero 2024, tuluyan na niyang naabot ang matagal na niyang pinapangarap—ang maitalaga bilang permanenteng Teacher I sa paaralang kanyang pinaglingkuran.
Ngayon, hindi lang siya katuwang sa pangangailangan ng kanilang pamilya, kundi siya rin ay nagsisilbing huwaran sa mga kabataan ng kanilang barangay.
Para kay May, ang pagiging guro ay higit pa sa pagtuturo ng aralin bagkus ito ay isang pagkakataon upang pagyamanin ang potensyal ng kanyang mga estudyante. Nais niyang maging daan sa paghubog ng mga batang nangangarap lalo na ang mga batang 4Ps, tulad rin niya noon.
Ang pamilya Loreno ay isa sa maraming kwento ng tagumpay na naitanim ng 4Ps sa libu-libong pamilyang Pilipino. Sa tulong ng programa, sa determinasyon ng mga magulang, at sa pagpupunyagi ni May, naabot nila ang mga pangarap na dati’y tila malabo.
“Ang tagumpay ay hindi basta dumarating. Ito ay bunga ng mga gabing walang tulog, araw-araw na pagsisikap, at pusong hindi sumusuko,” ani Titser May.
Inspirasyon para sa Susunod na Henerasyon
Hindi na lamang si May isang simpleng batang nangangarap noon mula sa liblib na barangay. Ngayon, isa na siyang simbolo ng pag-asa at patunay na sa tamang suporta, bawat bata ay may kakayahang magtagumpay. Siya ay guro, lider, at higit sa lahat, isang inspirasyon sa bawat kabataang patuloy na nangangarap at nagpupunyagi.