August 2021 – Sampung buwan na ang anak ni Janine Sorreda Agosto, isang batang-ina na Pantawid child grantee sa Comagaycay, San Andres, Catanduanes

 

Malaking biyaya na maituturing ni nanay Alma ang pagiging benepisyaryo
ng 4Ps simula taong 2012. Siya ay nagtitinda ng mga kakanin at ang
kanyang asawa naman na si Pablo ay isang construction worker. Sila ay
nakatira sa barong-barong na bahay kaya’t payak at simple ang
pamumuhay. Hindi sapat at regular ang kinikita ng mag-asawa, pero dahil
sa cash grant na kanilang natatanggap, nasusuportahan ang pag-aaral ng
mga anak. Nairaraos din nito ang kanilang pagkain at panggastos sa arawaraw, pati na rin ang mga pangangailangan pang-kalusugan ng buong
pamilya.

Ang pinakamalaking pagsubok na dumating sa kanilang pamilya ay noong
maagang mabuntis ang panganay na anak na si Janine sa edad na 15-
anyos na naging dahilan upang tumigil ito sa kanyang pag-aaral. Halos
gumuho ang mundo ni nanay Alma nang mapag-alamang ang anak na
panganay ay nagdadalang-tao sa pag-iisip na hindi na nito
maipagpapatuloy ang pag-aaral. Lumipas ang taong 2020, kasabay ng
pandemya ang pagpapalaki at pagtaguyod ng sambahayang Sorreda sa
panibagong miyembro ng pamilya na si James Arthur. Nag-aaral pa din ang
tatay nito at walang trabaho kaya’t wala din maiambag sa pang-araw-araw
na gastusin ng bata.

 

Simpleng tahanan ng pamilya Sorreda – isang barong barong na gawa sa kahoy, wala din aparatong de kuryente at ibang kagamitan sa bahay.

 

Malaki ang tulong ng programa sa kanilang pamilya pagdating sa kalusugan
dahil may kamalayan na ang sambahayan ng serbisyo na ibinibigay ng lokal
na pamahalaan tulad ng libreng gamot at check-up sa nakatalagang health
center sa kanilang lugar. Samakatwid, regular na nakapagpacheck-up si
Janine habang siya ay nagdadalang-tao. Nabigyan ding tuon ang pagkain
ng masustansya ng kanilang sambahayan. Pagdating naman sa edukasyon
hindi matawarang pasasalamat ang kanilang nararamdaman dahil sa
pangalawang pagkakataon na ibinigay kay Janine upang makapag-aral
muli. Kasalukuyang naka-enrol sa San Andres Vocational School bilang
Grade 11 si Janine. Bilang mga magulang ay malaki rin ang bahaging
ginagampanan ng Family Development Session (FDS) sa kanilang pamilya.
Kasama sa kanilang mga natutunan sa FDS ay kung papaano maiiwasan
na magkasakitan silang mag-ina, ito man ay sa salita o pisikal. Dahil din sa
FDS mas lumawak ang pananaw ni nanay Alma kung papaano
masosolusyonan ang pagsubok na dumating sa kanilang pamilya.
Sumailalim din sina nanay Alma at kanyang asawa sa serye ng
paginterbryu. Ito’y isinigawa ng Municipal Link upang mapaalala sila ng mga
iba’t ibang karapatan pambata at kanilang responsabilidad sa pag-abot ng
pinakamataas na potensyal ng kanilang anak. Gayundin, si Janine ay
sumailalim sa hiwalay na iskedyul ng interbyu upang mapaalala na ang pagaaral ay makatutulong sa kinabukasan niya at nang kanyang anak.
Naunawaan ni nanay Alma ang kahalagahan ng pag-aaral kaya ginawa
niya ang lahat, sa tulong ng kanilang Municipal Link at Parent-Leader, na
muling himukin si Janine na mag-aral ulit sa kabila ng naka-ambang
mabigat na responsibiladad sa pagpapalaki ng anak sa mura nitong edad.
Naobserbahan din nila ang kapasidad at kagustuhan ni Janine na mag-aral
muli kaya’t ibinigay ng samabahayan ang suporta upang makapag-patuloy
ng pag-aaral.

Bilang ina ang pangarap ni nanay Alma ay ang makapagtapos ng pag-aaral
ang kanyang mga anak at matupad ang pangarap ni Janine na maging
isang Accountant dahil kinahihiligan nito ang Mathematics at magaling din
sya dito. Naniniwala si nanay Alma na edukasyon ang tanging yaman na
kanyang maipapamana sa mga anak kaya’t hinihimok niya ang mga ito na
pahalagahan ang pag-aaral.