Walang sinusunod na edad para sa mga tao na gustong matuto. Inihambing ni Aling Myrna Fresnido, 65 anyos, residente ng Barangay Poblacion I sa Sta. Magdalena, Sorsogon ang kanyang karanasan bilang boluntir sa isang puno na patuloy nagbubunga ng maraming prutas dahil patuloy nadadagdagan ang kanyang kaalaman sa buhay.
Nagsimulang maging boluntir ng Department of Social Welfare and Development Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan – Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (DSWD KALAHI-CIDSS) si Aling Myrna taong 2015.
Lumipas man ang ilang taon, hindi nagsasawang maglingkod sa bayan si Aling Myrna. Taong 2020, siya ay napiling maging isang Barangay Sub-Project Management Committee (BSPMC) chairperson na mamahala sa implementasyon ng proyektong pangkomunidad ng barangay.
Nasa panahon man ng pandemya, masigasig na pinangunahan ni Aling Myrna at mga kasamahang boluntir ang implementasyon ng proyekto na pagpapaayos ng day care center bilang pansamantalang quarantine facility na may kasamang amenities.
Itong proyekto ay nagkakahalaga ng PHP 410,867.17. Natukoy ng komunidad na ipaayos ang day care center bilang tugon sa patuloy na tumataas na kaso ng COVID-19.
ANIM (6) NA TAON BILANG VOLUNTEER
Ayon kay Aling Myrna, kasabay ang mga kapwa boluntir, natuto sila humarap sa mga problemang pangkomunidad kung saan ibinigay nila ang lahat ng kanilang makakaya para malampasan ang bawat problema.
“Sa sitwasyon ngayon na may pandemya, ginamit namin ang aming mga natutunan sa implementasyon ng proyekto kung saan naging bahagi na ng aming buhay ang tumulong para tumugon at maisakatuparan ang bawat paraan para malampasan ang mga pagsubok na aming dinaranas,” paliwanag ng boluntir.
Gamit ang mga natutunan ni Aling Myrna sa programa, madali na sa kanya ang makipagugnayan sa mga kasamahan at mga service providers na pagkukunan ng mga materyales para sa proyekto.
Simula nang dumating ang programa sa kanilang barangay, nagkaroon ng realisasyon ang bawat isa sa kanila na mahalaga ang pagkakaisa at importante rin na lahat ay kalahok sa pagpapatupad ng proyekto.
Isiniwalat ni Aling Myrna na naipalabas nila ang kanilang kakayahan bilang isang simpleng miyembro ng komunidad.
“Masarap maging volunteer kahit mahirap, dahil sa huli, nakita namin ang bunga ng aming paghihirap,” dagdag ng boluntir.
TUNGKOL SA DSWD KALAHI-CIDSS
Ang DSWD KALAHI-CIDSS ay isang programa na tumutulong sa mga komunidad na tukuyin ang mga problema patungkol sa kahirapan at ipatupad ang mga proyektong pangkaunlaran gamit ang stratehiyang Community-Driven Development (CDD).
Upang mapabilis ang pagsasagawa ng mga proyekto sa panahon ng pandemya, ginamit ng programa ang Disaster Response Operations Modality (DROM).
Ang DROM ay pinasimpleng Community Empowerment Activity Cycle (CEAC) kung saan sinusunod ang mga prinsipyo ng CDD.
Sa Sorsogon, apat (4) na munisipyo ang pinundohan ng programa na nagkakahalaga ng PHP45,658,050.00 noong 2020.
Para sa karagdagang detalye ukol sa DSWD KALAHI-CIDSS, i-click ang link: http://ncddp.dswd.gov.ph/site/faqs