Legazpi City, 25 Hulyo 2025 – Isang makulay na tagumpay ang natamo ng kinatawan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V – Bicol Region sa ginanap na National Kusinero Cook-Off Challenge ng Walang Gutom Program (WGP), kung saan nakamit nila ang 2nd place at nag-uwi ng 130,000 pesos na ginanap sa Philippine Trade Training Center sa Pasay City.

Si Cresidia Peñol, isang masugid na tagapagtaguyod ng kultura ng pagkain mula sa Donsol, Sorsogon, ang nagtanghal ng kanyang Kinunot na Tapas sa patimpalak.

Sa kabila ng mataas na kompetisyon, nakuha ni Peñol ang 99.33% na marka para sa pinagmamalaking putahe ng kaniyang munting bayan na Kinunot na Tapas. Ito rin ang putaheng kaniyang inihain sa nauna nang ginanap na Regional Kusinero Cook-Off Challenge noong 30 Abril 2025, kung saan siya rin ang tinanghal na regional winner.

Itinuturing ang kanyang pagkapanalo bilang isang malaking tagumpay hindi lamang para sa kanya, kundi pati na rin para sa buong rehiyon ng Bicol.

“Sa edad kong ito, naka-second place ako? Salamat po! Huwag mawalan ng pag-asa, dahil sa programang ito, nagbibigay ng pag-asa sa marami. Maraming salamat po sa lahat ng naniwala at nagbigay ng suporta! Mabuhay ang Region 5!” wika ni Peñol, na puno ng pasasalamat at kagalakan sa kanyang tagumpay.

Bilang bahagi ng kanyang premyo, tumanggap si Peñol ng 30,000 pesos mula sa WGP, at bilang karagdagang tulong mula kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang 10 mga kalahok mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa ay nakatanggap ng 100,000 pesos bilang tulong pangkabuhayan at upang mapanatili ang kanilang malusog na pamumuhay.

Ang tagumpay ni Peñol ay hindi lamang tungkol sa kanyang pagkapanalo, kundi pati na rin sa mga benepisyaryo ng WGP.

Pinuri rin ang Field Office V ng DSWD bilang Best in Innovations Caravan Venue, na nagsilbing patunay ng kanilang dedikasyon sa pagpapalaganap ng makabago at masustansiyang pagkain.

Ayon kay Regional Director Norman S. Laurio, ang tagumpay ng WGP at ang pagkapanalo ni Peñol ay patunay ng epekto ng mga aktibidad ng programa tulad ng Nutrition Education Sessions, na nagbukas ng mas maraming oportunidad para sa mga Bicolano na maging mas maligaya at masigla sa pamamagitan ng nutrisyon at masustansiyang pagkain.

Ang Kusinero Cook-Off Challenge ay bahagi ng patuloy na pagsusumikap ng WGP na magbigay inspirasyon at hikayatin ang mga benepisyaryo na magluto ng mga makabago at abot-kayang putahe gamit ang mga lokal na sangkap.

Layunin ng programa na hindi lamang tugunan ang suliranin sa inseguridad sa pagkain kundi pati na rin ang pagpapalaganap ng kalusugan at kabuhayan sa buong bansa.

Patuloy ang laban ng DSWD Field Office V upang siguraduhin na walang Bicolano ang maiiwan sa laban kontra gutom.