Nagsimula ang kanilang sambahayan na maging benepisyaryo ng
Pantawid Pamilyang Pilipino Proram (4Ps) noong taong 2013. Ang pagiging
bahagi ng programa ay malaking tulong para sa pamilya Balanta upang
matugunan ang kanilang pangangailangan sa pang-araw-araw. Ang haligi
ng tahanan, na si tatay Romeo ay nagtatrabaho bilang isang construction
worker habang si nanay Shierel naman ay naglalabada. Maliit at hindi
regular ang kita ng mag-asawa kaya’t malaking ginhawa para sa kanila na
mapabilang sa programa upang may mailaan pantustos sa pag-aaral ng
mga anak.
Bilang bahagi ng programa, isa sa mga naging pagsubok na pinagdaanan
ng pamilya ay nang magdesisyon ang kanilang anak na si Ian Rhoy na
tumigil sa pag-aaral at hindi na pumasok bilang Grade 7 noong taong 2019.
Malaking dagok man ito sa pamilya, pang unawa sa naging desisyon ng
anak ang nangibabaw Tinulungan at ginabayan din nila ito na muling
magkaroon ng kagalakan sa pagpasok sa paaralan. Ayon kay Ian Rhoy,
nagdesisyon siya na huminto sa kadahilanan na parati siyang nagiging
biktima ng “bullying” sa paaralan at hindi niya alam kung papaano
makakaiwas dito. Kasabay pa nito, napadalas din ang pagsama niya sa
kanyang mga barkada na halos hindi na din pumapasok sa paaralan kung
kaya’t tuluyan na siyang nawalan ng interes na ipagpatuloy ito.
Kinalaunan, dahil hindi rin naman pumapasok sa paaralan, pinasama si Ian
Rhoy ng kanyang ina sa Maynila upang magtrabaho sa paggawa ng bahay
ng kanilang kamag-anak. Katuwang siya ng kanyang ama na sabak sa
konstraksyon. Ito ang naging istratehiya ng mga magulang ni Ian Rhoy
upang kanyang mapagtanto kung gaano kahirap kumita ng pera ang isang
tao na hindi nakapagtapos ng pag- aaral. Gusto nila na matuto ang kanilang
anak mula dito.
Samantala, patuloy ang pagpapaalala ng Municipal Link sa mga magulang
na muling hikayatin si Ian Rhoy na magpatuloy ng pag-aaral. Pinaalala din
sa kanila ang mga positibong epekto sa kinabukasan kapag bumalik sa
pag-aaral ang anak. Sumailalim din sina nanay Shierel sa Focused Group
Discussion (FGD) para sa mga magulang ng Not Attending School (NAS)
na child grantee. Gayundin, si Ian Rhoy ay nakasali sa hiwalay na iskedyul
ng isinagawang FGD para sa mga child grantee na NAS. Bunsod nito,
ipinagpatuloy ng kaniyang pamilya ang pangangaral at pagkumbinsi kay Ian
Rhoy upang bumalik sa pag-aaral at tapusin ito. Inabot ng halos dalawang
taon bago tuluyang magdesisyon ang bata na bumalik sa pag-aaral at
ipagpatuloy ito. Naging positibo ang bata na sa kabila ng pagiging huli nang
dalawang taon, dahil sa paghinto sa pag- aaral, ay makakaya niya pa din
na makipagsabayan sa ibang mag-aaral sa dahilan na modular ang
ginagamit sa kanilang paaralan. Ang kaniyang naging desisyon ay
suportado ng kaniyang pamilya lalong lalo ng kanyang ina na labis ang
kagalakan sa dahilan na nagbunga ang kaniyang walang sawang pagintindi at paghikayat na bumalik sa pag- aaral at tapusin ito. “Bako man ako
patal, ma, kaya ma-eskwela ako”, (hindi ako bobo,ma, kaya mag-aaral ako)
ito ang mga katagang naging kalakasan ng pamilya upang suportahan si
Ian Rhoy sa pagdesisyon nitong bumalik sa pag- aaral.
Sa panahon ng kagipitan, pandemya at mga dagok sa pamilya Balanta, ang
cash grant na natatanggap mula sa programa ay napakalaking bagay
upang matugunan ang kanilang pangangailangn lalo na ng mga bata na
nag-aaral. Ang programa ay nagsilbing sandigan at suporta ng pamilya
upang harapin ang mga hamon sa buhay. Hindi lang sa pinansyal na aspeto
natulungan ang pamillya, malaking tulong rin ang mga kaalaman upang
aktibong makibahagi sa mga gampanin sa pamayanan. Sa pagdalo ng
buwanang Family Development Session (FDS), ang pamilya ay
nagkakaroon ng kamalayan sa mga importanteng bagay sa kanilang paligid
at naibabahagi ang mga kaalaman upang mareporma at mapalakas ang
kanilang pamilya.
“Hindi madali ang mahinto sa pag-aaral lalo na at hindi naman talaga dapat.
Andiyan yung panghihinayang na hindi ka nakapagtapos ng pag-aaral at
yung panahon na maghahanap ka ng mapagkakakitaan upang may
maiabot ka sa iyong mga magulang. Sa kabila ng lahat ng pagsubok at
paghihinayang, hindi pa huli ang lahat upang bumangon at patunayan ang
sarili na may kayang abutin at tapusin”, mensahe ni Ian Rhoy.
Simple lang naman ang pangarap ni Ian Rhoy, yun ay ang makapagtapos
ng pag- aaral at makatulong sa kaniyang pamilya. Pangarap niya na maging
pulis at matulongan ang kaniyang komunidad. Gusto niya na makatulong
na mapanatili ang katahimikan at maseguro na wala nang bata o tao na
magiging biktima ng bullying at iba pang pang-aabuso.