“ Hindi mga bagong benepisyaryo ng Pantawid Pamilya Pilipino Program o anumang programa ang listahan ng mahihirap na nakapaskil ngayon sa mga barangay”, paglilinaw ni DSWD Bicol Regional Director Arnel Garcia sa publiko.
Ayon kay Garcia, ang nasabing listahan ay resulta ng isinagawang household assessment ng Listahanan o ang National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR) noong Mayo hanggang Setyembre ngayong taon.
“Gusto rin namin linawin na hindi awtomatikong magiging benepisyaryo ng anumang programa ang mga nasa listahan,potesyal lang sila kung me mga programa at serbisyo na ipapatupad ang gobyerno at ibang ahensya”, dagdag ni Garcia.
Sa ginawang assessment ng ahensya, 410, 186 sambahayan ang natukoy na mahihirap mula sa 1,056,722 na nainterbyu sa buong rehiyong Bicol. Ang natukoy na mahihirap ay siyang nakapaskil ngayon sa bawat barangay sa rehiyon. Ito ang tinatawag na Validation at Finalization na kung saan ipinapaskil ang listahan ng mahihirap para suriin at siyasatin ng mga tao.
Sa aktibidad na ito, binibigyan ng pagkakataon ang publiko na maitama ang maling mga tala tulad ng spelling ng mga pangalan , petsa ng kapanganakan , address at iba pa. Maari rin magreklamo ang sambahayan na hindi napuntahan sa panahon ng assessment o ipatanggal ang sambahayan na hindi mahirap pero nakasabay sa listahan.
Kaya hinihikayat ng ahensya na makialam ang bawat mamamayan sa listahan para maging “Sigurado,Kumpleto, at Totoo” ang talaan.
Ang Listahanan ay isang proyekto ng DSWD na naglalayong tukuyin kung SINO at NASAAN ang mga mahihirap na sambahayan. Ang listahan ng mga mahihirap na sambahayan ay nagsisilbing batayan sa pagpili ng mga benepisyaryo ng mga programa at serbisyong para sa mahihirap.
Tinitiyak ng Listahanan na ang mga tunay mahirap ang makakatanggap ng tulong mula sa mga programa at serbisyo ng panlipunang proteksyon.###