Isinagawa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V – Bicol Region, sa pangunguna ni Director Norman S. Laurio, ang ikalawang yugto ng 3TI o “Tamang Tulong sa Tamang Impormasyon” campaign sa bayan ng Ocampo, Camarines Sur, noong Hulyo 3, 2025, bilang bahagi ng mas pinaigting na kampanya laban sa fake news. Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Director Laurio ang kahalagahan ng tamang impormasyon sa makabagong panahon. Sabi niya, “Dumadami ang naloloko ng mga kumakalat na fake news sa internet na nababasa sa mga cellphones.”
Dinaluhan ang programa ng piling benepisyaryo mula sa iba’t ibang proyekto ng ahensiya, gayundin ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan sa bayan ng Ocampo.
Ipinakilala at inilahad ng Policy Development and Planning Section ang mga programa’t serbisyo ng DSWD. Nagkaroon din ng pagkakataon ang mga dumalo na magtanong ukol sa mga programa ng ahensiya. Bukod dito, nagsagawa ng iba’t ibang aktibidad tulad ng mga itinayong booth na pwedeng sumali sa mga palaro at kumuha ng mga babasahin tungkol sa iba’t ibang programa’t serbisyo ng DSWD.
Nagpaabot naman ng mensahe ng suporta sa kampanya ng ahensiya ang Lokal na Pamahalaan ng Ocampo, Camarines Sur. Ayon kay Hon. Ronald Allan J. Go, alkalde ng Ocampo, maayos na naipapatupad ang lahat ng programa at proyekto ng ahensiya. Aniya, “Noong una, may mga pumupunta sa aking tanggapan upang makiusap na makasali sa mga programa at makatanggap ng mga asistensya, at nagtatanong bakit di sila nakakasali. Ngayon, iniimbitahan na namin ang mga kawani ng DSWD sa rehiyon upang maipaliwanag sa mga constituents ang mga proseso at kwalipikasyon para sa bawat programa.” Nagbigay rin siya ng katiyakan ng patuloy na suporta at kooperasyon para sa mga inisyatibo ng DSWD.
Ang 3TI ay ang anti-misinformation at disinformation campaign ng DSWD na naglalayong labanan ang pagkalat ng maling impormasyon at matiyak na ang publiko ay tumatanggap ng wasto, napapanahon, at tamang impormasyon. Layunin din ng 3TI Information Caravan na ipakilala at ipaliwanag ang mga pangunahing programa at serbisyo ng ahensiya gaya ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan – Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS), Sustainable Livelihood Program (SLP), Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), at ang mga innovation programs tulad ng Walang Gutom Program, Tara, Basa! Tutoring Program, Pag-Abot Program, at iba pa. Unang isinagawa ang caravan sa Pilar, Sorsogon noong Hunyo 4, 2025. ###