Tunay na inspirasyon ang kwento ni Ma. Sophia S. Del Rosario, isa sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Program (4Ps) mula sa Set 7A. Siya ay patuloy na nagsusumikap para sa kanyang pangarap at pamilya.
Nagmula si Sophia sa Sagrada, Buhi, Camarines Sur, at kasalukuyang nag-aaral sa kolehiyo sa University of Northeastern Philippines- (UNEP). Kumuha siya ng kursong Batsilyer sa Sekundaryang Edukasyon na may espesyalisasyon sa Edukasyon sa Pagpapahalaga. Kahit may anim na anak at may edad na tatlumpu’t lima, hindi tumitigil si Ma. Sophia sa pagtataguyod ng kanyang pangarap na maging ganap na guro at Guidance Counselor para sa kanyang pamilya.
Kahit na mahirap ang kanilang pamumuhay at mayroong kakulangan sa mga pangangailangan, hindi siya sumuko sa pagtataguyod ng kanyang edukasyon. Sa pagbubukas ng oportunidad sa kanya sa pamamagitan ng Tertiary Education Subsidy (TES) grant, agad siyang nag-enrol sa kolehiyo, kahit na malayo at mahal ang gastusin sa pagkuha ng mga requirements. Bagamat may mga hamon at hadlang sa kanyang pag-aaral, tuloy pa rin siya sa kanyang layunin at ngayon ay nasa ikalawang taon na ng kolehiyo.
Ang TES grant ay malaking tulong sa kanya at sa kanyang pamilya upang maibsan ang kanilang pang-araw-araw na gastusin. Sa tulong ng programa, libre ang kanyang matrikula at siya na lamang ang bahala sa iba pang mga gastusin sa paaralan.
Sa pamamagitan ng buwanang Family Development Session (FDS), natutunan ni Ma. Sophia ang mga kasanayan at kaalaman tungkol sa masaganang pamumuhay at mga paraan para makaahon sa buhay. Bilang parent leader ng kanyang grupo, itinaguyod niya ang kanyang kakayahan at abilidad sa pamumuno. Natuto siyang maging lider at makisalamuha sa iba’t ibang tao. Sa tulong ng cash grant mula sa programa, natutustusan niya ang pag-aaral ng kanyang mga anak at ang mga pangunahing pangangailangan ng kanyang pamilya.
Sa kabila ng kanyang mga tungkulin bilang ina, patuloy na nagpapakatatag si Ma. Sophia sa kanyang pangarap na makapagtapos sa kolehiyo at makatulong sa pagpapaunlad ng kanyang pamilya.
Sa pamamagitan ng determinasyon at sipag, pinatutunayan niya na walang imposible para sa isang inang nagmamahal sa kanyang pamilya. Ang kwento ni Ma. Sophia ay isang patunay na, sa pamamagitan ng sipag, tiyaga, at suporta ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, na mabot ng bawat pamilyang Pilipino ang kanilang mga pangarap sa buhay.