
“Hindi mo kailangang maging mayaman para makatulong. Minsan, ang puso at pagkakaisa lang ay sapat na para makapagbago ng buhay.”
Sa mga mata ng 636 batang mag-aaral ng Tinambac, Camarines Sur, ang simpleng school supplies na kanilang natanggap noong Nobyembre 6, 2024 ay hindi basta gamit, bagkus ito ay simbolo ng pag-asa. Mula sa limang paaralan—New Caaluan, Mile 9, Agay-Ayan, Caloco, at Pag-asa Elementary School, sama-samang nakinabang ang mga bata sa proyektong binuo, pinaghirapan, at pinanindigan ng kanilang mismong mga magulang at kabarangay na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ang programang 4Ps sa pangunguna ng Municipal Operations Office (MOO) ng Tinambac, ay naglunsad ng inisyatibong nagbibigay-diin sa tunay na diwa ng bayanihan. Nagsimula ang lahat noong Mayo 3, 2024 sa selebrasyon ng Second Pantawid Anniversary, may temang “Magkasararo, Magkaburunyog ang Pagiging 4Ps Household Satuyang Orgulyo.” Sa halip na karaniwang pagdiriwang, pinili ng mga 4Ps households na magbenta ng mga tiket upang makalikom ng pondo hindi para sa kanila, kundi para sa mga batang 4Ps at non-4Ps na nasa silid-aralan mula sa Grade 1 hanggang Grade 6. Sa tulong ng mga 4Ps Parent Leaders, kawani, at benepisyaryo, nakalikom sila ng ₱159,000—isang halagang puno ng pag-ibig at sakripisyo.

Ang mga lider ng komunidad na kadalasan ay mga ina na naglalaba, nagbabantay ng anak, at dumadalo ng Family Development Sessions (FDS) ang siyang naging haligi ng proyekto. Sila ang nagplano, nagsalita, nag-ipon, at nagtulungan. Gamit ang bawat pisong kinita sa ticket sales, bumili sila ng notebooks, ballpen, plastic envelopes, at iba pang gamit na alam nilang makatutulong sa mga batang minsang dumaan din sa hirap ng walang kagamitan sa paaralan.

Ngunit higit pa sa school supplies ang naipamahagi nila. Higit sa lahat, nagbahagi sila ng dignidad, ng diwa ng malasakit, at ng panibagong pananaw na kaya pala nilang magbigay, hindi lamang tumanggap. Sa tuwing may batang ngumiti habang inaabot ang notebook, may magulang sa likod noon na nagtulungan para maramdaman nilang mahalaga sila. Sa proyektong ito, pinatibay ng Tinambac ang katotohanang hindi hadlang ang kahirapan sa pagkakawanggawa.
Ngayong 2025, ang kwento sa bayan ng Tinambac ay patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa buong rehiyon, isang paalala na ang tunay na pagbabago ay nagsisimula sa mga maliliit na hakbang ng mga ordinaryong tao.
Sa mga sulok ng silid-aralan, sa mga kamay ng batang masiglang sumusulat gamit ang bagong ballpen, at sa bawat pusong natutong magmalasakit, nandiyan ang kwento ng isang komunidad na nanalig, nagkaisa, at kumilos para sa kinabukasan ng kabataan.