“Ang tunay na yaman ng pamilya ay hindi nasusukat sa salapi kundi sa tibay ng samahan, pananampalataya, at sipag.”
Ito ang matibay na pinanghahawakan ng pamilyang Mendoza ng Barangay San Francisco, Baao, Camarines Sur. Sa likod ng simpleng pamumuhay at maraming pagsubok, namumukod-tangi ang kanilang kwento ng pagtitiyaga, pananalig, at kung paanong ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay naging tulay tungo sa pagbabago ng kanilang kapalaran.
Noong Pebrero 2012, naging bahagi ng Set 5A ng 4Ps ang pamilya Mendoza. Sa panahong iyon, nakatira sila sa isang bahay na yari sa pinaghalo-halong light materials. Ang haligi ng tahanan ay isang magsasaka na paminsan-minsan ay ume-extra sa konstruksiyon habang si Nanay Marlette naman, ay isang mananahi.
“Nung wala pa po ang 4Ps, iniisip ko kung paano ko mapag-aaral ang anim naming anak. Ang kita ng asawa ko ay di palagian, at ako nama’y umaasa sa ipinapadalang tahi,” ani Nanay Marlette. “Ngunit sa tulong ng 4Ps, natutunan ko ang tamang pagba-budget at disiplina mula sa Family Development Sessions.”
Sa loob ng 12 taon sa programa, tiniyak ng mag-asawa na mananatiling nasa eskwela ang kanilang mga anak. Ngayon, tatlo sa kanila ay nasa high school, habang ang panganay na si Arland ay nagtapos ng senior high school sa Sisters of Mary School sa Cavite bilang full merit scholar.
Mga Pagsubok na Hinarap nang Buo ang Loob
Taong 2020 nang maranasan nila ang matinding epekto ng pandemya sa kanilang pamilya. Nagpositibo sa COVID-19 ang asawa ni Marlette at isinailalim sa quarantine facility, habang ang buong compound ay naka-lockdown. Sa panahong ito, si Arland na nagtatrabaho sa labas ang tanging inaasahan ng pamilya. Siya ang sumuporta sa lahat ng pangangailangan hanggang sa gumaling ang kanilang ama.
Habang pinagdaraanan ang lahat ng ito, kumuha si Arland ng Philippine Navy entrance exam. Sa kanyang pagsusumikap, siya’y nakapasa at nagtapos noong Mayo 15, 2024 bilang ika-4 sa 64 trainees sa Naval Station Leovigildo Gantioqui, Zambales. Malaking tulong ang kanyang Php 40,000 na scholarship mula sa Baao Community College, na siyang pinagkunan niya ng ipon para sa kanyang training.
Pamilyang May Disiplina at Puso para sa Komunidad
Hindi man palaging top achievers, masinop at masigasig sa pag-aaral ang mga anak ng Mendoza. Tinuruan sila ng mag-asawa ng kahalagahan ng edukasyon, respeto sa komunidad, at pagiging responsableng mamamayan.
Kilala ang pamilya bilang aktibo sa barangay. Ang ama ay isang barangay tanod, habang anim na taon si Nanay na naging Parent Leader sa 4Ps at nagsilbing gabay sa kapwa benepisyaryo. Sa tulong ng Family Development Sessions, lumawak ang kanyang kaalaman sa tamang pagpapalaki, karapatan ng bata, at kahandaan sa sakuna. Nakatulong ito hindi lamang sa kanyang pamilya kundi pati sa kanyang maliit na negosyong pananahi.
“Dati, paminsan-minsan lang ang nagpapatahi sa akin. Pero simula nang lumakas ang loob ko at mahasa ang aking kakayahan, dumami na ang customers ko,” kwento niya. Noong Setyembre 2019, nagtapos siya sa isang pagsasanay sa burda at nabigyan ng bagong makinang panahi—isang hakbang patungo sa mas matatag na kabuhayan.
Isang Bagong Yugto, Isang Mas Maliwanag na Bukas
Ngayon, handa na si Marlette na grumadweyt mula sa 4Ps. Buo ang pasasalamat niya sa programang naging katuwang ng kanilang pamilya sa pag-ahon sa hirap.
Ang kwento ng pamilya Mendoza ay patunay na sa pamamagitan ng pag-ibig, disiplina,
Ang matibay na pamilya ay hinubog ng sakripisyo, pinalakas ng pagmamahalan, at pinatibay ng pananampalataya. Sa bawat hakbang ng kanilang paglalakbay, pinatunayan ng pamilyang Mendoza na ang tunay na tagumpay ay hindi nasusukat sa yaman, kundi sa tibay ng kanilang loob sa harap ng anumang pagsubok.