10 June 2021 – Ang Noleal family ay nakisali sa Online Pugay Tagumpay upang ipagdiwang ang ikalawang anibersaryo at bilang pagkilala sa mga pamilyang naka-graduate sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program

 

Ang tagumpay ng isa ay tagumpay ng lahat. Ito ang Pamilya Noleal na napagtagumpayan ang laban sa kahirapan. Isang payak at simpleng sambahayan na naninirahan sa Quirangay, Camalig, Albay.

Bago mapabilang sa programa, nagtindera sa isang tindahan ng Pili si nanay Rosmarie habang ang asawang si Gary naman ay nagtrabaho sa pabrika ng Pili. Laking pasasalamat ng mag-asawa nang makasama sa programa sa taong 2012. At dahil dito, hindi tumigil mangarap ang samabahayang Noleal na balang araw maka-alpas sa hirap ng buhay lalo’t itinataguyod ang tatlong mga anak.

Nagpatuloy mag-aral sa kolehiyo si nanay Rosmarie habang pinag-sasabay sa pag-aalaga ng pamilya at pagtatrabaho. Aniya: “Salat kami sa pero pero hindi ko hinayaang tumigil ako sa pag-aaral. Nagtrabaho ako bilang labandera, nagtinda ako ng kwek-kwek at lumpia sa paaralan para maitustos sa pangangailangan ng aking pamilya at sa aking pag-aaral.”

Kahit punong-puno ang kanyang iskedyul, lagi pa ring dumadalo at aktibong lumalahok sa mga aktibidad sa Family Development Sessions (FDS). Sinisikap ng mag-asawa maging compliant kung kaya’t kapag hindi makakadalo si nanay Rosmarie, ang kanyang asawa ang humahalili sa pag-attend sa FDS.

Nakapagtapos na cum laude sa kolehiyo si nanay Rosmarie at nakapasa sa Licensure Examination for Teachers sa taong 2015. Subalit, hindi pa rin naging madali upang magkaroon ng permanenteng trabaho sa pagtuturo na makapag-bibigay sana ng kaluwagan sa kanilang araw-araw na pamumuhay. Nagtrabaho muna bilang kahera sa loob ng isang taon sa isang coffee shop. Naging daycare worker din sa Cabangan Child Development Center.

Taong 2020 nang mapa-bilang sa Department of Education bilang Teacher 1 si nanay Rosmarie. Laking ginhawa dahil sa wakas nagkaroon na sila ng
permanente at regular na mapagkukuhaan ng pantustos sa pagtataguyod ng kanilang pamilya lalo’t panahon ng pandemya.

Kaya sa taong 2021, kusa nang nag-waive ang Pantawid Pamilya Noleal bilang
benepisyaryo ng programa. Kasalukuyang nagtuturo si nanay Rosmarie sa Iluluan
Elementary School, katuwang ang kanyang kabiyak na si Gary na namamasada ng
kanilang sariling naipundar na tricycle.

Isang mensahe ang inilagak ni nanay Rosmarie sa mga kapwa benepisyaryo: “Wag
tayong titigil, wag tayong susuko bagkus, gawin nating motibasyon ang  kahirapan…na hindi pwedeng naghihintay lang tayo na… may tutulong sa atin gaya ng 4Ps. Tayo pa rin ang gagawa ng paraan para makaahon tayo sa kahirapan.”

Tungkol sa Programa

Sa pagsasabatas ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Act o Republic Act
11310 noong April 2019, ang programa ay isang permanenteng pambansang istratehiya ng gobyerno upang puksain ang kahirapan sa bansa sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong-pinansyal sa mga mahihirap na pamilyang Pilipino upang mapabuti ang kanilang kalusugan, nutrisyon at edukasyon.

Hanggang pitong (7) taon makakatanggap ng benepisyo ang isang pamilyang
benepisyaryo ng programa. Ang boluntaryong pag-waive ng benepisyo sa programa ay maaaring pagdesisyunan ng pamilya kapag tumaas na ang antas at kalidad ng kanilang pamumuhay. Itoý magbibigay daan upang mas marami pang ibang mahihirap na pamilya ang makapasok sa programa at nang maiwaksi ang sikulo ng kahirapan sa sambahayang Pilipino.