Ang ilaw ng tahanan ang siyang nagbibigay liwanag at gabay sa
sambahayan. Bilang isang nanay, ang kakanyahan ng isang babae ay hindi
nalilimita sa gawaing bahay, kundi sa kung paano magagabayan at
mabibigyan inspirasyon ang bawat miyembro ng pamilya tungo sa
kaunlaran.
Si ginang Rizza F. Monteo ay isang simpleng maybahay at ang kanyang
asawa naman ay nagkokopra bago mapabilang sa Pantawid Pamilyang
Pilipino Program (4Ps). “Noong ika 15 ng Pebrero 2011, kami ay pinatawag
ng MSWDO Bulusan upang magrehistro sa programa. Ito ay ginanap sa
Bulusan Cultural Center na kung saan ipinaliwanag sa amin kung ano ang
layunin ng programa at binigyan kami ng Panunumpa at kami ay naging
opisyal na benepisyaryo ng programa. Sa panahong iyon, kami ng asawa
ko ay may dalawang anak na nag-aaral sa San Francisco Elementary at
sila ang minomonitor ng programa. Sa una naming pay out, nakatanggap
kami ng P500 at binili ko po ng groceries para sa mga anak ko”,
pagbabahagi niya.
Malaki ang naitulong ng programa sa pamilya Monteo upang matugunan
ang mga gastusin sa bahay at sa mga pangangailangan ng anak lalo na sa
edukasyon at pang-kalusugan. Ang programa ay isa sa mga naging
sandalan upang maitawid kanilang pang araw-araw na pangangailangan.
“Noong una, maraming tao ang hindi sumasang-ayon sa programa dahil
hindi daw ito totoo at tuturuan lang daw nito na maging mas tamad ang
benepisyaryo”, kwento ni nanay Rizza. Lingid sa kaalaman ng iba, ang 4Ps
ay isang permanenteng pambansang istratehiya ng gobyerno upang
puksain ang kahirapan sa bansa sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga mahihirap na pamilyang Pilipino upang mapabuti ang
kanilang kalusugan, nutrisyon at edukasyon. May kaukulang mga
kundisyon ito, kasama ang pakikibahagi sa Family Development Session
(FDS), na siyang lumilinang at gumagabay sa sambahayang miyembro ng
programa.
Ayon kay nanay Rizza: “Ako po ay naging isang Parent Leader sa loob ng
mahigit na apat na taon. Ito ay nakakatuwa at napaka-challenging na
karanasan para sa akin, dahil iba’t ibang tao at ugali ang kailangan
pakitunguhan. Marami akong natutunan at marami ang naging pagbabago
sa buhay ko simula nang naging Parent leader ako, katulad ng kung paano
makisalamuha at pamunuan ang mga myembero. Dahil dito, nabuksan ang
aking pag-iisip at nalinawan ang aking mga katanungan partikular sa mga
paksa na pinag-uusapan namin buwan-buwan sa FDS. Ang mga kaalaman
na nakuha ko ay naibabahagi ko sa ibang tao at sa aking pamilya at ito ay
naisasabuhay ko. Malaki rin ang naitulong ng aming Municipal Link dahil
binibigyan niya ako ng lakas ng loob para maipaabot ko sa aking mga
kasamahan ang mga dapat na gawin bilang responsableng miyembro ng
programa. Kami po ng aking miyembro ay may community garden at
hanggang ngayon ay patuloy ito na minomonitor at pinapalago ng bawat
miyembro ng aming grupo tuwing may libreng oras. Kami din ay
nagsasagawa ng community service sa aming barangay at isa ito sa
nagsisilbing bonding namin ng aking mga kagrupo.”
Sa kasalukuyan, ang kanilang panganay na anak ay nasa 2
nd year college sa Sorsogon State University. Ang ikalawang anak naman ay Grade 12 na at siya na lang ang minomonitor. Dahil sa 4Ps, natugunan ang lahat ng
pangangailangan ng kanilang mga anak tulad ng sa edukasyon at
kalusugan, kasabay na din nito ang pagsisikap ng mag-asawa at
pagtutulungan ng buong pamilya upang maitaguyod ang mga
pangangailangan sa araw-araw. Dahil rin sa programa, nagkaroon ng
maayos na pagsasama ang mag-asawa at mga anak na kung saan napaguusapan ang mga problema at tulong-tulong upang harapin ito.
Naging maayos ang takbo ng kanilang pamumuhay at maganda ang
naidulot ng programa sa pamilya Monteo. “Sa ngayon, ang asawa ko po ay
isa nang security guard sa Bulusan National High School at may sapat na
kita na para matugunan ang pangangailangan ng pamilya. Ako naman po
ay isa nang Barangay Kagawad at lahat ng mga natutunan ko tungkol sa
pamumuno bilang parent-leader ay nai-a-apply ko na rin sa mga
nasasakupan namin sa barangay. Mas naging aktibo na rin ako at ang aking
pamilya sa aktibidad sa barangay na kung saan kami ay nakikilahok sa mga
pag-titipon. Ako ay nakasali rin sa mga organisasyon dito sa aming
barangay katulad ng KALIPI (Women’s Organization, SLP Handicraft
making, Rural Improvement Club at iba pa. Masasabi ko po na ang buhay
namin ngayon ay nagkaroon ng maganda at positibong resulta dahil na din
sa tulong ng Programang Pantawid Pamilya”, paglalahad ni nanay Rizza.
Ayon sa pagtatala, 10,856 o 98.95% ng mga parent leaders sa rehiyong
Bikol ay kababaihan. Sa pamamagitan ng pagbibigay dagdag
responsibilidad bilang parent-leader at ng Family Development Session,
patuloy na binubuksan ang isipan ng mga nanay nang kanilang kakayahan
at kapasidad upang mas maging produktibong miyembro ng pamilya at
komunidad. Gaya ni nanay Rizza, mas nagliliwanag ang ningas ng mga ilaw
ng tahanan sa paghuhubog at pagbibigay oportunidad sa mga may-bahay
na miyembro ng programa.