Isang makasaysayang hakbang ang isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Sorsogon, katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V – Bicol Region, matapos pagtibayin ang Provincial Ordinance No. 19-2024. Ang ordinansang ito ay magbibigay ng cash incentive sa 2,634 Parent Leaders (PLs) ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa buong probinsya.
Simula Hunyo 2025, bawat Parent Leader ay makatatanggap ng ₱1,000 tuwing huling buwan ng bawat semestre (Hunyo at Disyembre), na may kabuuang ₱2,000 bawat taon. Layunin ng ordinansang 4Ps Parent Leaders Cash Incentive na kilalanin ang kanilang mahalagang papel sa epektibong pagpapatupad ng 4Ps sa antas-barangay.
Sa kabuuang 59,387 na 4Ps beneficiaries sa Sorsogon, 2,634 na Parent Leaders ang magsisilbing pangunahing katuwang ng pamahalaan sa pagsubaybay, paggabay, at pagtulong sa kanilang mga kapwa benepisyaryo. Ang ordinansa ay ipatutupad sa lahat ng 14 na bayan at isang lungsod sa Sorsogon, kaya’t ang probinsya ang kauna-unahang lalawigan sa buong rehiyon na may panlalawigang batas na nagbibigay ng insentibo sa lahat ng PLs. Matatandaang ang PLGU Sorsogon din ang nagsagawa ng kauna-unahang Parent Leaders Congress noong Hulyo 2024 kung saan isa sa mga tinalakay ang insentibo para bilang pagkilala sa mahalagang papel na ginagampanan ng mga PLs sa kani-kanilang komunidad
Ayon kay Hon. Maria “Nini” Ravanilla, pangunahing may-akda ng ordinansa, “Karamihan sa mga Parent Leaders ay kababaihan, kaya’t ang insentibo ay hindi lamang pinansyal na tulong kundi pagkilala rin sa kanilang kadakilaan bilang ina at lider sa komunidad.”
Dagdag pa nito, “Kahit pareho na ang mag-asawa nagtatrabaho at may natatanggap na cash grants mula sa 4Ps, minsan ay kulang pa rin. Kaya naman, ang incentive na ito ay isang paraan upang mas lalo pa silang matulungan na makaalpas sa kahirapan.”
Payo nito sa mga 4Ps Parent Leaders, “Continue to work with love and passion. Tulungan ninyo ang DSWD. Tulungan ninyo kami sa Sorsogon na mabawasan na ang 4Ps beneficiaries at matupad ang adhikain ng programa na bawat pamilya ay magkakaroon ng kahit isang propesyunal.”
Ang pagbibigay ng incentive sa mga Parent Leaders sa lalawigan ng Sorsogon ay nakaugat sa mga adhikain ng DSWD, na patuloy na pinapalakas ang mga inisyatiba para sa mas inklusibo at makataong pagpapatupad ng 4Ps.
Sa ilalim ng pamumuno ni DSWD Secretary Rex Gatchalian at sa gabay ng DSWD Bicol sa pangunguna ni Regional Director Norman S. Laurio, isinusulong ng ahensya ang mga hakbang na tumutugon hindi lamang sa pangangailangan ng mga benepisyaryo, kundi pati na rin ng mga katuwang sa komunidad—gaya ng mga Parent Leaders—na nagsisilbing tulay sa pagitan ng gobyerno at mamamayan.
Matatandaang noong 2023, nauna nang nagpasa ng katulad na ordinansa ang bayan ng Milagros, Masbate, habang ngayong taon naman ay sinundan ito ng bayan ng Virac, Catanduanes. Ang ganitong inisyatiba ay nagpapatunay ng aktibong pakikiisa ng lokal na pamahalaan sa mga isinusulong ng DSWD—na ang bawat hakbang sa pagpapatibay ng 4Ps ay dapat may kasamang suporta para sa mga taong nasa unahan ng serbisyong panlipunan.