Patuloy na pinapalakas ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V – Bicol Region ang adbokasiya nito sa holistikong pag-unlad ng mga kabataan sa pamamagitan ng Youth Development Sessions (YDS) – Volume II ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Ngayong school year 2024-2025, ipatutupad ang YDS – Volume II sa mga piling sekondaryang paaralan sa bawat lungsod at munisipalidad sa rehiyon na may temang “Embrace and Thrive: Unveiling Your True Potentials.”
Ayon sa pinakahuling datos mula sa Youth Development Unit ng 4Ps – Bicol, Php 3,141,442.67 ang kabuuang pondong inilaan ng Local Government Units (LGUs) upang suportahan ang programa ngayong taon.
Sa ilalim ng pamumuno ni DSWD Bicol Regional Director Norman S. Laurio, patuloy na isinasagawa ng ahensya ang pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan upang palakasin ang life skills, social responsibility, at personal development ng kabataang benepisyaryo ng 4Ps.
Narito ang breakdown ng pondo mula sa mga LGU bawat Provincial Operations Offices (POO): Albay – Php 617,795.92; Camarines Norte – Php 113,300.00; Camarines Sur I – Php 472,656.75; Camarines Sur II – Php 982,414.00; Catanduanes – Php 119,200.00; Masbate – Php 326,911.00 at Sorsogon – Php 509,165.00. Sa kabuuan, 114 City/Municipal Operations Offices (CMOOs) ang kasali sa programa, kung saan 79 ang may aprubadong budget mula sa LGU, na mayroong 69.30% coverage rate. Noong 2024, matagumpay na naisagawa ang YDS – Volume I, kung saan 5,343 na kabataang benepisyaryo ng 4Ps mula sa 114 pampublikong sekondaryang paaralan sa Bicol Region ang lumahok sa programa.
Sa bilang na ito, 4,595 ang matagumpay na nakatapos ng buong session, na may 85.96% completion rate. Noong nakaraang taon, umabot sa Php 2,103,241.75 ang pondong inilaan ng mga LGU para sa YDS. Ang pagtaas ng pondo ngayong taon sa mahigit Php 3.1M ay nagpapakita ng lumalawak na suporta ng mga lokal na pamahalaan sa pagpapatuloy ng programang ito.
Ang YDS ay isang afterschool youth life education program na naglalayong matugunan ang mga pangangailangan ng mga kabataan sa iba’t ibang aspeto ng kanilang buhay. Kasama sa mga paksang tinatalakay sa YDS ang self-awareness, leadership, decision-making, mental health, at social responsibility.
Sa mas malaking pondo ngayong taon, layunin ng DSWD at mga katuwang na LGU na mas maraming kabataan ang makinabang sa programang ito upang sila ay maging mas handa sa hamon ng buhay, mas aktibong miyembro ng kanilang komunidad at umunlad ang antas ng pamumuhay.