Bilang isang magulang, pangarap ko na mabigyan ng magandang kinabukasan ang aming tatlong anak. Ang kalusugan at edukasyon ang isang daan upang maisakatuparan ang pangarap na ito na hubugin ang kanilang kinabukasan sa paarang mag-aahon sa kanila sa kahirapan.
Ako po si Marifi S. Arnaldo, nakatira sa Poblacion sa Munisipyo ng San Vicente, Camarines Norte. Napabilang kami sa isa sa mga mahihirap na pamilya sa aming barangay na naitala sa Listahanan. Tumatangap kami ng cash grant kada ika-dalawang buwan. Kahit kami ay mahirap mapalad kami, sapagkat isa kami sa nabigyan ng tulong ng gobyerno at kailangan lamang sundin ang kondisyon na nakapaloob sa panunumpa para hindi mabawasan ang cash grant na aming natatangap. Para sa akin isa itong malaking tulong sa aming pamilya.
Sadyang napakahirap mag-budget ng pera lalo na alam ko na kulang na kulang ito. Kahit anong paraan ng pagkwenta ay kulang pa rin. Litung-lito at masakit ang ulo ko kung paano pagkakasiyahin ang kakarampot na kita ng aking asawa.
Sa pagdating ng Pantawid pamilya, hinubog nito ang aking kaisipan sa pagpaplano ng pamilya, lalo na ang patungkol sa pera. Sa bawat Family Development Session (FDS) na ginaganap dito sa amin buwan-buwan, nadadagdagan ang aking kaalaman upang lalong mapa-unlad ito, mabago ang maling paraan ng pag-gastos ng pera. Hangad ko na isabuhay kung ano ang tama para sa magandang kinabukasan ng aking mga anak.
Tuwing pay-out, naging priority ko ang maglaan sa edukasyon at kalusugan ng tatlo naming anak. Kontribusyon sa paaralan, school supplies, at pang-araw araw nilang gastusin ang unang kong pinaglalaanan. Sa ganitong paraan ay unti-unting naging maalwan gastusin sa edukasyon ng mga anak ko.
Sa pagsasama naming mag-asawa noon ang aking kaisipan ay bahala na kung kami ay magsasama ng matagal. Ngunit sa FDS o mga training at seminars na dinaluhan ko ay naunawaan ko ang kahinaan at kakulangan naming mag-asawa. Sa ngayon, ay ipinaparamdam ko ang pagmamahal, pag-aalaga, diplomasya, mahabang pasiyensya, pang-unawa at higit sa lahat ang respeto at tiwala sa isat-isa.
Bihira na kami ngayon mag-away at anumang problema at tukso ay kayang-kaya namin harapin dahil naniniwala ako na ang magandang relasyon ang siyang matibay na pundasiyon para sa pag-sasama namin at kailangan sabayan ito ng dasal at pananalig sa Poong Maykapal. Kung noon sa akin ay “bahala na ang bukas” ngayon ay para sa akin ang bawat pagsikat ng araw ay “may bagong pag-asa.”
Kung dati rin ay mapakain ko lang, mabihisan, mapalaki sila (anak) ay sapat na. Ngayon, ay nalaman ko ang 10 karapatan ng bata at pangunahing pangangailangan nito. Binibigyan ko ng panahon ang pagpangaral sakanila at family bonding. Lagi ko na sinasabi sakanila na “mga anak ituring niyo ako na best friend na pwede ninyong pag-sabihan ng inyong problema o hinain.” Dahil kahit mahirap ang buhay pilit namin ginagampanan ang pagiging isang mabuting magulang, ma-ibigay ang kanilang pangangailangan dahil ayaw ko ng iparanas sakanila ang hirap ng buhay na naranasan namin.
Sa mga nakalipas din na taon ay ginugol ko ang aking sarili sa gawaing bahay, sa paglalaba, pagluluto, paglilinis ng bahay at pag-asikaso ng pamilya. Wala akong paki-alam kung ano ang nangyayari sa barangay o komunidad. Sadya akong mahiyain noon, kapag mayroong tao ay nasa isang sulok lamang ako, hindi rin ako dumadalo sa mga pagtitipon. Ngunit, hinubog ng Pantawid ang aking pagkatao at pakikipagkapwa. Natuto akong makihalubilo sa napakaraming tao, makilahok sa gawaing barangay na mayroon mabuting maitutulong. At sa ngayon, ako ay Parent leader ng aming grupo sa Pantawid Pamilya.
Bilang isang ina, masakit para sa akin na makita ang anak ko na umiiyak at nagtatampo dahil hindi sila makasali sa anumang okasiyon sa paaralan, hindi makabayad sa oras, o kontribusyon at hindi makagawa ng proketo. Sa ganitong paraan tinutusok ng karayum ang puso ko at noo’y hindi pa nila maintindihan kung bakit hindi pwede o wala kaming maiabot sapagka’t nasa murang edad pa lamang sila. Sa ngayon, hindi ko kayang bayaran o tapatan ng anumang halaga ng salapi ang tawa nilang nararamdaman sapagka’t nakakasali na sila sa mga okasiyon sa paaralan at nakakabayad na ng tution fee. Sa katunayan natutuwa din kami ng lubos dahil nasa section one silang lahat. Natuto din akong dumalo sa mga pagpupulong sa paaralan.
Kaya lubos po ako na nagpapasalamat sa Pantawid Pamilya na siyang naging dahilan ng magandang pagbabago sa aming buhay, salat man kami sa hirap ngunit unti-unti namin itong nalalagpasan. Binibigyan niyo po kami ng pag-asa na ipagpatuloy na maging matibay sa lahat ng aming kakaharaping hirap sa buhay. Salamat sa gobyerno na patuloy na gumagabay sa amin.