Bago pa man dumating ang programang Patawid Pamilyang Pilipino Program, kami ay may isang simple ngunit buong pamilya. Tulad ng isang bangka, ang aming buhay ay pawang naka-depende lamang sa agos ng tubig. Naranasan ng aming pamilya ang humarap sa mga matitinding bagyo at unos. Isa sa pinaka-malaking pagsubok na ito ay ang kakulangang pinansiyal. Araw-araw, gumigising ako ng maaga upang pumasok sa paaralan bitbit ang kakarampot na baon sa aking bulsa. Naglalakad ako gamit ang sira-sira at naka-ngangang sapatos sa ilalim ng matinding sikat ng araw o malakas na buhos ng ulan.
Noon, labis ang aking kalungkutan dahil sa araw-araw ko na nakikita ang pagdurusa ng aking inang may sakit, maging ang aking kapatid. Ngunit, wala akong magawa dahil sa kakulangan sa pera.
Labis din ang bigat ng aking damdamin dahil nadarama ko ang pagod ng aking amang mag-isang bumubuhay sa aming pamilya. Hindi rin nawawala ang aming pangamba sa tuwing may sakuna, gaya ng lindo at bagyo. At sa tuwing bumibisita ang baha sa loob ng aming bahay, umiihip ang malakas na hangin, ay sumasama ang aming bubong papunta sa kawalan.
Ngunit, hindi ako nawalan ng pag-asa. Nagsusumikap ako na tuparin ang aming mithiin para sa aking sarili, sa aking pamilya at komunidad. Hindi ako susuko kailanman. Bagkus, mas pinapalakas ko ang aking tiwala at pinapatatag ko ang aking pananampalataya sa Diyos.
Kagaya ng isang bangka, ang programang Pantawid Pamilya ang nagsilbi naming sagwan. Ito ang malaking tulong sa amin upang malampasan ang dagok ng matitinding alon na sumisimbolo ng kahirapan. Dahil dito, hindi na ako namomroblema sa mga gastusin sa paaralan tulad ng baon, proyekto, at iba pang bayarin.
Ang sobrang pera naman ay ibinibigay ko sa aking ama pandagdag bayad sa aming kuryente at tubig. At kung mayroon pang sobrang natitira ay ipinapatago ko sa aking ina upang mayroon kaming ipon. Subalit, hindi lang natatapos ang pinansyal na suporta, ang nakukuha namin sa programa. Mayroon ding mga seminars at trainings, tulad ng family development session at pagmomonitor ng aming kalusugan. Dahil din sa programa, nalalagpasan naming ang dagok sa aming buhay at napapaunlad ang antas ng aming pamumuhay. Ang sagwan naman ay naging instrumento upang malagpasan naming ang kahirapan at tumawid sa mas magandang kinabukasan.
Kaya, ako si Marilyn F. Abesa, trese anyos, nakatira sa Barangay Tabuco, Naga City, ay nagpapasalamat ng lubos sa programa at ang lahat ng taong sumusuporta dito dahil ang Pantawid ang naging daan namin sa ma-ayos na pamumuhay. Isa rin po akong saksi at patunay sa napakaraming nagawa at patuloy pang gagawin ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng Department of Social Welfare and Development.