Upang mas mapagtibay ang misyon na wakasan ang kagutuman sa bansa, nakipag-ugnayan ang ahensiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V (FOV) sa mga lalawigan ng Camarines Sur at Sorsogon upang hingin ang kanilang suporta sa mas pinalawak na implementasyon ng Walang Gutom Program (WGP) sa rehiyon.
Sa pamumuno ni Regional Director Norman S. Laurio, pinangunahan ng Regional Program Coordinator (RPC) ng WGP ang pakikipag-ugnayan sa mga Sangguniang Panlalawigan ng dalawang probinsiya, kung saan tinalakay ang mga estratehiya at inaasahang kontribusyon ng bawat LGU sa Camarines Sur at Sorsogon upang maging mas epektibo ang pagpapatupad ng programa.
Binigyang-diin din ang kahalagahan ng partisipasyon ng iba’t ibang sektor upang lubos na makamit ang layunin ng inisyatibo, at ang direktang pakikipag-ugnayan at konsultasyon sa mga lokal na opisyal upang mas mailapit sa mga benepisyaryo ang serbisyo ng programa.
Matatandaan na nauna nang isinagawa ang implementasyon ng programa sa rehiyon nitong Pebrero ng nakaraang taon kung saan 189 benepisyaryo sa bayan ng Garchitorena sa Camarines Sur ang pinaka-unang nakapag-redeem ng food pack sa programa.
Sa kasalukuyan, mayroon ng mahigit 29,181 benepisyaryo ang programa mula sa pinakaunang implemenstasyon sa rehiyon, partikular sa mga lalawigan ng Albay, Camarines Sur, at Sorsogon; patuloy ang isinasagawang konsultasyon sa iba’t ibang lalawigan sa rehiyon bilang bahagi ng preparasyon para sa mas pinalawak na implementasyon ng Walang Gutom Program ngayong taon.
Ang Walang Gutom Program ay isinusulong ng ahensiya sa mandato ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa bisa ng Executive Order No. 44, s. 2023, na naglalayong wakasan ang inboluntaryong kagutuman sa bansa.