“Mangungutang para mairaos ang isang araw, at para makabayad sa inutang ay mangungutang ulit.”
Isang masaklap na siklo na pamilyar sa maraming pamilyang Pilipino — isang paulit-ulit na kwento ng pagsusumikap at kakulangan. Isa sa mga minsang nabaon sa siklong ito ay ang pamilya ni Nanay Bernece Avila.
Isang single mother mula sa Pili, Camarines Sur, si Nanay Bernece ang tanging bumubuhay sa kanyang dalawang anak na parehong nag-aaral. Sa kabila ng kanyang pagsusumikap bilang dishwasher sa isang karinderya, hindi pa rin sapat ang kanyang kita upang tugunan ang lahat ng pangangailangan nila.
“Madalas po akong mangutang para may maipangkain at maipambaon ang mga anak ko. Halos buong lingguhang kita ko, nauuwi sa pagbabayad ng utang. Kapag may kulang, uutang na lang ulit,” pagbabahagi niya.
Dahil sa ganitong sistema, matagal ding nabaon sa hirap ang pamilya Avila. Inamin ni Nanay Bernece na dumaan siya sa mga panahong nawalan na siya ng pag-asa.
“May mga pagkakataon pong gusto ko nang sumuko, pero kailangan kong magpakatatag para sa mga anak ko. Sila ang dahilan kung bakit ako lumalaban,” aniya.
Ngunit nagbago ang ihip ng hangin nang mapabilang si Bernece sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Simula noon, unti-unting gumaan ang kanilang kalagayan.
“Malaking tulong po talaga ang 4Ps sa amin,” sabi niya. Sa tulong ng programa, nakakapagtabi na siya ng kaunting ipon para sa mga biglaang gastusin. Hindi na rin siya kailangang mangutang tulad ng dati, at mas nakakapagpokus na siya sa mga pangangailangan ng kanyang mga anak, lalo na sa kanilang edukasyon.
Ngayon, paunti-unting nagiging maliwanag ang kinabukasan ng pamilya Avila. Nasa Grade 11 na ang panganay, nasa ikatlong baitang ang bunso, at kasama na rin nila sa bahay ang pamangkin ni Nanay Bernece na nasa Grade 8 — isa pang batang umaasa sa kanyang gabay at pagmamahal.
Para sa kanyang kapwa 4Ps beneficiaries, may iniwang mensahe si Nanay Bernece:
“Huwag kayong susuko, kahit gaano kahirap ang buhay. Lagi pong may paraan basta’t manatili tayong umaasa at lumalaban para sa mga mahal natin sa buhay. Ang mga programa tulad ng 4Ps ay talagang malaking tulong kung gagamitin natin nang tama ang biyayang ito.”
Ang kwento ng Pamilya Avila ay larawan ng katotohanang ang mga Pilipino ay likas na puno ng pag-asa — mabaon man sa siklo ng utang upang makatawid sa araw-araw, patuloy pa rin ang pagbangon sa tulong ng tiyaga at pangarap na wakasan ang siklo ng kahirapan. Isang inang walang sawang nagsusumikap para sa kinabukasan, at mga anak na puspusang nag-aaral, tangan ang paniniwalang ang edukasyon ang susi sa pag-ahon mula sa kahirapan.