Ang pagbibigay ng kaalaman at serbisyo sa kapwa ay isang malaking kontribusyon para makatulong sa komunidad.

Isa si Henedina Echaluce, 56, community volunteer ng Barangay San Pedro, Panganiban, Catanduanes, na patuloy nagbibigay serbisyo para sa kanyang pamayanan.

Bilang isang public utility na kumakayod para sa kanyang siyam (9) na anak ay nagawang mabalanse ng community volunteer ang kanyang oras.

Galak na isiniwalat ni Henedina na naging malaki ang kanyang karanasan sa pagpapatupad ng kanilang proyekto na drainage canal noong 2017 kung saan natutunan niya ang procurement at pag-canvass ng mga materyales para sa proyekto.

“Ako bilang isang volunteer ay natuto ako kung paano ang proseso ng pag-canvass at hindi ko rin malilimutan ang naging karanasan ko dito na kahit nakakapagod ay hindi inaalintana para sa komunidad,” sabi ni Henedina.

Ang proyektong drainage canal na nagkakahalaga ng PhP944,600.00 ay pinundohan ng Department of Social Welfare and Development Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan – Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (DSWD Kalahi-CIDSS).

Sa DSWD Kalahi-CIDSS, hindi lamang pinapalakas nito ang partisipasyon ng bawat mamamayan sa implementasyon ng proyekto kundi prayoridad din ng programa na sanayin ang mga mamamayan sa procurement, financial management at project implementation.

PAGSASAGAWA NG PROYEKTO

Inilahad ni Henedina na isa sa mga naging problema ng kanilang komunidad sa panahon ng Coronavirus Disease (COVID-19) pandemic, ang kakulangan ng suplay ng mga face masks at alcohol.

Upang masolusyunan ng komunidad ang problema, pinagdesisyunan na imungkahi sa DSWD Kalahi-CIDSS ang proyektong hygiene kits para sa mga apektadong pamilya.

Inimungkahi rin ng komunidad ang communication device na gagamitin sa pagsasagawa ng COVID-19 information campaigns.

Sa implementasyon ng proyekto, malaki ang nakitang pagbabago ni Henedina sa komunidad.

“Ang nakita kong positibong pagbabago ng komunidad at mga volunteers ay nagkaroon ng pagkakaisa nang lumahok sa proyekto ng Kalahi-CIDSS,” paliwanag ng volunteer.

Ipinaliwanag din ni Henedina na nangyari ang pagbabagong ito dahil sa pagbibigay assistansya ng DSWD Kalahi-CIDSS staff at lokal na pamahalaan.

“Dahil sa walang sawang pag-alalay sa aming volunteers, natutunan namin kung paano ang tamang proseso na isasagawa para sa isang proyekto,” dagdag ng volunteer.

Nagpapasalamat din si Henedina sa kapwa niyang community volunteers dahil sa pagsasakripisyo at pagbibigay ng oras na magampanan ang mga tungkulin upang maipatupad nang maayos ang proyekto.

Hindi sinusukat kung ano ang pinag-aralan o estado sa buhay, basta mayroong puso sa pagbibigay serbisyo sa pamayanan ay pwedeng maging isang community volunteer.

Kahit isang simpleng mamamayan ay may abilidad din sa pagtulong. /ramsertan

Ulat mula kay Jose Henrico Padilla, Community Empowerment Facilitator

Tungkol sa DSWD Kalahi-CIDSS

Kasalukuyang isinasagawa ng DSWD Kalahi-CIDSS ang Disaster Response Operations Procedure (DROP) sa limang (5) munisipyo ng Catanduanes na may kabuuang halaga na PhP 31,155,650.00

Naglaan ang programa ng PhP 3,895,200.00 sa munisipyo ng Panganiban. Sa ngayon, patuloy na isinasagawa ng Barangay San Pedro ang proyektong communication device at hygiene kits na nagkakahalaga ng PhP 164,639.29.

Para sa karagdagdang detalye ukol sa program, i-click ang link:

http://ncddp.dswd.gov.ph/site/faqs