Itinanghal na Huwarang Pantawid Pamilya ng Kagawaran ng Kalingang Panlipunan at Pagpapaunlad ang Pamilya ni Efren at Marilou Evangelista sa nakaraang Final Deliberation ng Regional Search for Huwarang Pantawid Pamilya sa La Roca, Veranda Suites and Restaurant, Legaspi City.
Ang Pamilya Evangelista ay nangaling sa Barangay Potoson, Baleno, Masbate. Isang magsasaka, musikero at pintor ang ama ng Pamilya at Barangay Health Worker naman ang ilaw ng tahanan.
Ang Evangelista ang siyang nagpasimuno ng organic farming na nakatulong upang matugunan ang malnutrisyon sa kanilang barangay. Bukod pa rito, ay kilala ang pamilya dahil sa kanilang pagiging mabuting magulang sa kanilang mga anak, magandang pagsunod ng alituntunin ng programa at mabuting serbisyo sa komunidad.
Samantala, ang mga nominado na nangaling sa anim na probinsya ng Rehiyon, kabilang ang Naga City, ay ang Pamilya Cribe na nangaling sa Labo, Camarines Norte–ang nahirang na 1st Runner – up, ang Pamilya Adolfo naman na nangaling sa Naga City ang nahirang na 2nd Runner- up, at ang iba pang pamilyang nominado ay ang Pamilya Nacianceno na nangaling sa Sta. Magdalena, Sorsogon, ang Pamilya Danabar na nangaling sa Calabanga, Camarines Sur, ang Pamilya Matienzo ng Virac, Catanduanes at ang panghuli ay ang pamilya Alamil na nangaling sa Rapu-Rapu, Albay.
Sinabi ni DSWD Regional Director Arnel Garcia, napiling Huwaran ang pamilya Evangelista dahil sa kakarampot na kita ng mag-asawa, naibuhos nila ang kanilang kakayahan at abilidad upang masuportahan ang pangangailangan ng pamilya, kasabay ng pagiging aktibo sa mga gawaing komunidad at pagtupad ng mga alituntunin ng programa.
Ayon din sa isa sa mga Board of Judges na si Mr. Ricardo Tejeresas ng Kagawaran ng Edukasyon, tinawag niya ang Pamilya Evangelista na isang “Agents of Change” dahil sa kabila ng kahirapan ay naitanim nila sa kanilang mga anak ang kahalagahan ng edukasyon.
Sa ngayon, tatlo sa walong anak ng Pamilya Evangelista ay nakatapos na ng vocational courses at kolehiyo at nagtatrabaho upang makatulong sa kanilang pamilya.
Ang pagtatakda ng Huwarang Pamilya mula sa mga benipisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino ay isang paraan upang maitaguyod ng programa, ang pagkakaisa ng pamilya na malampasan ang mga unos sa buhay, at, maging ehemplo sa iba pang mga benipisyaryo.
Tatangap ng P15,000 ang Regional Huwarang Pantawid Pamilya, P10,000 ang 1st Runner – up at P5,000 naman ang 2nd Runner up.
Paparangal din ang mga nasabing pamilya sa Septyember, ngayong taon, sa nalalapit na pagdiriwang ng Family Week ng nasabing Kagawaran.***G.Lindio, Information Officer II