Sorsogon City- Masayang nagpakuha ng dokumentasyon si PLGU Sorsogon ICT Head Carmelo Griarte (mula sa kaliwa) kasama si DSWD FOV National Household Targeting Section Head, Joy C. Belen III; IT Officer, Wilson A. Ecat at Administrative Assistant, Efren P. Abache matapos ang pagpirma ng data sharing agreement upang magkaroon ng access sa Listahanan 3 database.
LEGAZPI CITY- Naibigay na ng Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan (DSWD) Bicol ang pinakabagong talaan ng mga mahihirap na sambahayan mula sa National Household Targeting System for Poverty Reduction o mas kilala sa tawag na Listahanan sa Pamahalaang Panlalawigan ng Sorsogon, sa pamamagitan ng isang Data Sharing Agreement.
Ito ang kauna-unahang probinsya sa rehiyon na pumirma ng kasunduan o Memorandum of Agreement (MOA) sa DSWD upang magkaroon ng access sa Listahanan 3 data na inilunsad noong Disyembre 7, 2022.
Layunin ng nabanggit na probinsya na mailapit pa ang mga pangunahing serbisyo at programa sa mga Sorsoganons sa pamamagitan ng 7K Program o Kabuhayan, Kalusugan, Kadunungan, Katrangkilohan, Kagandahan, Kalinisan at Kalikasan.
Batay sa Listahanan 3 database, mayroong 79,604 na sambahayan na katumbas ng 456,952 na mga indibidwal ang natukoy na mahihirap sa Probinsya ng Sorsogon.
Ayon kay Sorsogon Province, Information and Communication Techonology Head, Carmelo Griarte, malaking tulong ang Listahanan sa pagpapatupad ng 7K Program ng probinsya dahil ito ay komprehensibo, siyentipiko, mabilis, mabisa, at matibay ang pamamaraan sa pagtukoy ng mga pinaka-nangangailangang sambahayan.
Sa ngayon, bukas ang DSWD para sa iba’t-ibang mga ahensya, pribado man o pampubliko na nais makipag-MOA sa kagawaran upang magkaroon ng access sa Listahanan 3 o ang pinakabagong talaan ng mahihirap na sambahayan sa rehiyon.
Ang Listahanan ang tanging proyekto ng gobyerno sa kasalukuyan na naglalaman ng datus ng mga mahihirap na magsisilbing batayan para sa pagbuo ng mga programa at serbisyo para sa mga maralita.