Ako po si Primo Pinoy Jr., labing apat na taong gulang, nakatira sa Bagacay Malama, Ligao City. Pangalawa sa tatlong magkakapatid. Ako po’y nag-aaral sa Bacong National High School (BNHS). Araw araw nilalakad namin ang tatlong kilometro makapasok lamang sa eskwelahan. Ngunit, hindi na sa amin alantana ang ganitong sitwasyon sa araw-araw.
Madami ng pagsubok ang sa amin ay dumaan at nalampasan. Ngunit may isang pagsubok ang hindi namin malampas-lampasan ang iniindang sakit ng aking ina na hindi man lang namin maipagamot. Sa hirap ng buhay sa halip mas inaalala niya ang aming pag-aaral kaysa sa kanyang sarili. Kaya’t gusto kong masuklian ang paghihirap ng aking mga magulang sa pamamagitan ng pagtatapos ng aking pag-aaral na kahit mahirap ay aking kakayanin sapagka’t walang problema’t pagsubok ang ibinibigay ang Diyos na hindi natin kaya at ang bawat problema ay may solusyon.
Hindi ko tinuturing na hadlang o balakid ang problema’t mga pagsubok dahil ito ang humubog sa aking pagakatao, katulad ng isang lapis ako’y nabuo pagkatapos ng maraming proseso. Labing apat na taon na akong nakikibaka sa hamon ng panahon. Sa isang barangay ako ay nagmula at sa simpleng pamumuhay ng pamilya namin ang siyang nagmulat sa aking pagbutihin ang bawat gawi ko. Bawat hakbang ko ay may kaakibat na pananaligsa sa Maykapal. Naniniwala ako na balang araw ay makakagawa ako ng kaibahan o pagbabago sa aking buhay.
Mapalad ako sapagkat kasama ko ang aking pamilya na nagsisilbi kong lakas at inspirasyon, lalong-lalo na ang aking mga magulang na walang sawang gumagabay sa akin sa kabila ng aming kahirapan.
Ang mga kaibigan ko sa BNHS ang nagsilbi kong mga sandalan sa lahat ng pagkakataon at ang mga guro ko naman na tunuturing kong pangalawang magulang ay lubos na nakatulong sa paghubog ko upang maniwala ako sa sarili kong kakayahan.
Isa akong lapis, isinulat ko ang sarili kong kasaysayan sa tulong ng mga taong nakapaligid sa akin. Patuloy kong pagyayamanin ang panloob kong katangian sapagkat iyon ang mahalaga. Isa akong lapis na kapaki-pakinabang sa aking lipunan na hangad lamang ay makapagtapos ng pag-aaral, makaahon sa hirap ng buhay at magkaroon ng maayos at magandang kinabukasan.
Kaya naman labis ang aking pasasalamat sa Maykapal sa pagbibigay niya sa akin ng lahat ng bagay, mga taong nakapaligid sa akin ngayon, at maging sa talentong ibinigay niya sa akin.
Sa mga kapwa kong mga bata, sana po ay pahalagahan natin ang natatamasa nating tulong dahil ito ay para lamang sa ating tagumpay. Ito ay isang malaking oportunidad kaya bilang kapalit, magpursige tayo sa ating pag-aaral. Magpasalamat din tayo sa ating pamilya lalo na sa ating mga magulang dahil ang bawat sakripisyo nila ay para mabigyan tayo ng magandang kinabukasan.
Ano man ang marating nating tagumpay sa darating na panahon i-alay natin ito. Una sa Diyos, sa ating sarili, pamilya at kapwa. Huwag nating kalimutang lumingon sa lahat ng gumagabay sa atin at isa dito ang programang umalalay sa atin, ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Maraming salamat po.