
Huwarang ina, asawa, at lider ng komunidad na may pusong handang maglingkod.
Ganito ilarawan ng mga nakakakilala sa kanya si Nanay si Thelma Dematera Arguelles, 42 taong gulang, isang barangay health worker at benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) mula sa Zone 1, New Moriones, Ocampo, Camarines Sur.
Lumaki si Thelma sa isang simpleng pamilya bilang panganay sa tatlong magkakapatid. Mula pagkabata, nasanay na siyang magbanat ng buto para makatulong sa kanilang munting pamilya. Lahat ng sentimong kinikita ay may halaga, at ang bawat araw ay isang pagsubok na kailangang lagpasan.
Sa pag-asang makapagbigay ng mas magandang buhay, nagtrabaho sa Gitnang Silangan ang kanilang ama bilang karpintero. Sa una, unti-unting gumanda ang kanilang pamumuhay. Ngunit hindi naglaon, dumaan sa pagsubok ang kanilang pamilya nang tuluyang masira ang samahan ng kanyang mga magulang. Umalis ang kanilang ama at naiwan ang kanilang ina upang itaguyod silang magkakapatid.
Ang kanyang ina ay nagsumikap—nagtatrabaho bilang kasambahay, labandera, at tindera habang nananatiling aktibo sa simbahan at mga gawain sa barangay. Siya ang naging inspirasyon ni Thelma. Dahil dito, ipinangako niya sa sarili na hindi lamang niya itataguyod ang kanyang pamilya, kundi magsisilbi rin siya sa kanyang kapwa, hangga’t kaya niya at wala siyang natatapakang iba.
Ngayon, siya ay isa nang ina ng pitong anak at may mapagmahal at responsableng asawa. Kasabay ng kanyang mga tungkulin sa bahay, ginagampanan din niya ang maraming tungkulin sa komunidad. Siya ay isang Parent Leader ng 4Ps, Federation President ng Barangay Health Workers sa Ocampo, Opisyal ng ADRA sa kanilang barangay, Vice President ng Parents and Teachers Association sa New Moriones Elementary School, Volunteer ng KALAHI-CIDDS, IP Leader, at aktibong miyembro ng Women’s Organization.
Hindi lamang siya lider sa papel, kundi isa ring tunay na tagapaglingkod. Kasama ang kanyang asawa, aktibo rin silang tumutugon sa mga pangangailangan ng kanilang komunidad tuwing may sakuna. Sa kabila ng dami ng kanyang ginagampanang papel, naigagabay pa rin nila ng maayos ang kanilang pamilya. Lahat ng kanilang mga anak ay nasa paaralan at magaganda ang marka.
Tuwing gabi, nagsasama-sama sila upang magkuwentuhan tungkol sa naging takbo ng kanilang araw. Sa simpleng paraan, napapanatili nila ang pagkakabuklod ng kanilang pamilya. Kahit hindi marangya ang kanilang pamumuhay, sagana sila sa pagmamahalan, pag-unawa, at malasakit sa isa’t isa.
“Hindi lamang sa tulong pinansyal, nagpapamasalamat kami sa tulong ng 4Ps sa pamamagitan ng mga aral at kaalamang natututunan ng aming pamilya sa Family Development Sessions at Youth Development Sessions. Sa pamamagitan nito, lumalalim ang aming pang-unawa sa aming tungkulin bilang magulang, anak, at bahagi ng mas malawak na komunidad.” buong pusong pagbabahagi ni Thelma.
Si Thelma Dematera Arguelles ay isang buhay na patunay na hindi kailangan ng salapi upang makapaglingkod sa kapwa. Ang kailangan lamang ay malasakit, sipag, at pusong bukas sa pagtulong. Sa kanya, buhay ang tunay na diwa ng bayanihan.