LEGAZPI CITY, ALBAY — Pinangunahan ni Regional Director Norman S. Laurio ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V – Bicol Region ang isinagawang pay-out at site visit para sa Project LAWA at BINHI noong Hulyo 7, 2025, sa bayan ng San Fernando, Masbate.
Kabilang sa mga binisita ang mga barangay ng Valparaiso, Magsasaka, Magkaipit, at Buenos Aires. Kasama ang Municipal Social Welfare and Development Officer (MSWDO) ng San Fernando, masusing ininspeksyon ni RD Laurio ang mga communal gardens at small-farm water reservoirs na bahagi ng nasabing proyekto.
Layunin ng pagbisita na personal na makita ang kalagayan, progreso, at epekto ng mga community-based interventions para sa disaster resiliency at sustainable livelihood.
Sa isinagawang pay-out, 260 benepisyaryo ang tumanggap ng tulong pinansyal na may kabuuang halaga na ₱2,054,000.
Ipinahayag ni RD Laurio ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa aktibong pakikilahok ng mga partner-beneficiaries, at kinilala rin ang suporta ng lokal na pamahalaan sa matagumpay na pagpapatupad ng programa.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng Project LAWA at BINHI bilang mga sustenableng solusyon upang matiyak ang sapat na suplay ng tubig at pagkain sa panahon ng bagyo at iba pang sakuna.
Hinikayat din ni RD Laurio ang mga benepisyaryo na patuloy na pangalagaan at paunlarin ang mga proyektong naipatayo, kahit tapos na ang distribusyon ng ayuda.
“Ang malasakit at kooperasyon ng bawat isa ang susi upang magpatuloy ang positibong epekto ng mga programang pangkabuhayan at pangkalikasan ng DSWD.” ani RD Laurio.
Ang Project LAWA at BINHI ay patunay na sa pamamagitan ng konkretong aksyon at sama-samang pagkilos, posible ang pagkakaroon ng mas matatag na pamayanang handa sa hamon ng panahon at kalamidad.