Si nanay Helena ay isang simpleng ginang ng tahanan na may malaking adhikain at responsibilidad sa pamilya, organisasyon, simbahan at komunidad. Sa pamamagitan ng mga natutunan sa FDS, trainings ng parent leaders at involvement sa lahat ng mga gawain pang-barangay ay naipapamahagi niya ang karunungan, talento at kaalaman para maging isang magandang ehemplo o inspirasyon ng mga kababaihan.  Isa siya sa mga parent-leader ng programa ng DSWD na tinatawag na Pantawid Pamilyang Pilipino program (4Ps). Aniya: “Siksik at puno ng kaalaman ang bawat aktibidades ng DSWD na aking nasalihan at dito po ako natutong humarap sa tao at nagbukas ng maraming oportunidad na makita ko ang aking kaalaman sa ibat ibang aspeto. Sa Pantawid program nahubog ang aking sarili na maging isang matatag at huwarang magulang, at maging isang importanteng babae sa komunidad na maraming kayang gawin.”

Bilang pasasalamat, ang lahat naman na natututunan niya ay itinuturo din sa miyembro ng 4Ps sa pamamagitan ng pag- anyaya na lumabas at makilahok sa lahat ng proyekto at aktibadades ng komunidad, lalong lalo na sa 4Ps. Dagdag pa niya: “Laman po ako ng komunidad namin na kung saan ay halos lahat ng organisasyon sa lokal na lugar ay aking sinalihan dahil sa meron akong parte makialam at makatulong sa bawat isa. Naniniwala ako na ang lahat ng tao sa komunidad ay meron malaking responsibilidad na makialam at makilahok sa lahat ng ngyayari.”

Isa din siyang barangay health worker (BHW). Ang lahat ng natutunan ukol sa pagpapahalaga sa kalusugan ay naipamahagi rin niya sa kaniyang komunidad. Sa pamamagitan nito ay napapadali ang pagpapaliwanag, pag-encourage at pag anyaya sa mga pasyente o kliyente, lalong lalo na ang mga pantawid members, para makakuha ng libreng serbisyo sa lokal na pamahalaan, gaya ng mga libreng gamot at bakuna.

Isa rin siyang volunteer ng TAMUCO cooperative sa kanilang lugar na tumutulong sa mahihirap na maipamahagi ang tamang pag iimpok. Nais nitong kooperatiba na tulungan ang mga tao na mag-impok at pahalagahan ang pinansyal na pagpaplano at may adhikain at adbokasiya na ang bawat sambahayan ay meron impok para sa mga bagay na hindi inaasahan.

At ang pinaka huli ay bahagi rin si nanay Helena ng simbahan at katekista para sa pang spiritwal na aspeto ng tao. Kwento pa niya: “Nakakatulong ako sa mga tao lalong lalo na sa mga may pinagdadaanan o dinadalang problema o naliligaw ng landas. Nakakapag-bigay kami ng spiritual couselling na libre sa tulong ng simbahan ng St. Francis Church lalong lalo na sa panahon ng pandemya.

Ibinahagi din niya: “Sa panahon ngayon, hindi na uso ang mag antay nalang sa swerte o biyaya. Ang lahat ng bagay dito sa mundo ay pinag-hihirapan, gaya ng aking ginagawa. Ako po ay hinubog ng panahon na makatayo sa sariling paa. Lagi kong sinasabi sa mga hawak kong members at mga kababaihan sa komunidad na ang mga babae ay dapat lumabas sa apat na sulok at kanilang makikita ang kagandahan ng mundo sa pamamagitan ng pakikihalubilo at pakikisalamuha sa tao. Ako at ang aking pamilya ay tinuruan ng DSWD na makatayo sa sariling paa. Ang kakayanan ng mga kababaihan ay hinding-hindi matatawaran bagkus, ay ginagawang ehemplo para gawin salamin ng mga kababaihan.”

Ang isa sa kanyang mga anak ay naging isang student-grantee ng ESGP-PA. Sa ngayon ay nakapagtapos na, nagtatratabaho at nkakatulong na sa kanilang pamilya, lalong lalo na sa kanyang mga kapatid na nag-aaral pa.

 

ESGP-PA

 Ang ESGP-PA o Expanded Student’s Grants-in-Aid Program for Poverty Alleviation ay isang scholarship grant upang makapagtapos sa kolehiyo ang mga anak ng mahihirap na pamilya na may mga sumusunod na requirements: benepisyaryo ng 4Ps, malusog ang pangangatawan at isipan, nakapagtapos ng High School o equivalent nito, walang ibang scholarship mula sa ibang institusyon, nakapasa sa entrance exam at academic requirements ng State Universities and Colleges (SUCs), nakapasa sa requirements ng ESGP-PA Committee at naka-enroll sa ChED priority programs.

Ang student-grantee ay makakatanggap ng hindi lalagpas sa Sixty-Thousand Pesos (P60,000.00) sa bawat taong panuruan na pangtustos sa matrikula at ibang gastusin sa paaralan, academic at extra-curricular na gastusin, pambili ng libro, transportasyon, pagrenta ng tirahan, damit, pangangailangang medikal, at iba pang balidong gastusin na may kaugnayan sa edukasyon at ibang support services para makumpleto ang degree program.