“Tumatawid kami ng ilang bundok para lang makapag-aral.”
Isang pamilyar na linyang madalas marinig sa mga matatanda noong araw—mga kwentong puno ng pagsisikap at determinasyon. Ngunit sa paglipas ng panahon, sa pagdami ng paaralan sa mga liblib na barangay, tila unti-unti na ri itong nabubura.
Ngunit sa Barangay Guijalo, Sitio Cagnipa, sa bayan ng Caramoan, Camarines Sur, buhay pa rin ang ganitong kwento ng sakripisyo—ito ang kwento ng pitong magkakapatid na Recto at ng kanilang mga magulang na sina Marilou at Randy.
Maaga pa lamang ay gising na si Marilou, ang ilaw ng tahanan, upang ihanda ang pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang mga anak. Samantala, ang kanyang asawa na si Randy ay araw-araw ding abala sa pangingisda. Ayon kay Marilou, kapag maganda ang huli ng isda, nakakikita ang kanyang asawa ng hanggang ₱4,000. Bukod dito, si Marilou ay tumatanggap din ng labada para madagdagan ang kita ng pamilya. Sa pinagsamang buwanang kita na humigit-kumulang ₱5,000, aminado si Marilou na malayo ito sa sapat para sa kanilang malaking pamilya.
Kulang man ang kinikita, pilit nila itong pinagkakasya—sapagkat para sa mag-asawa, ang edukasyon ang pinakamahalagang pamana na maaari nilang maibigay sa kanilang mga anak.
Para magbago ang ating buhay, importanteng makapagtapos ang mga anak sa pag-aaral. Para pagdating ng araw, magiging magaan ang buhay at kinabukasan nila. Gayundin, hindi sila mahihirapan maghanap ng trabaho kahit sa malalayong lugar,” ani Marilou.
At hindi nasasayang ang kanilang sakripisyo. Nakikita rin nina Marilou at Randy ang sipag at dedikasyon ng kanilang mga anak. Araw-araw, tinitiis ng mga bata ang matagal at mapanganib na paglalakad papunta sa paaralan.
Apat na kilometro po ang nilalakad nila araw-araw, bulubundukin po kaya minsan inaabot ng 40 minutes papunta pa lang,” kwento ni Nanay Marilou.
Noong 2009, isang malaking biyaya ang dumating sa kanilang pamilya nang sila ay mapabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Sa tulong ng programang ito, unti-unting naibsan ang bigat ng buhay, at nabuksan ang mas malinaw na landas patungo sa edukasyon para sa kanilang mga anak.
Sa kasalukuyan, apat sa kanilang mga anak ay patuloy pang nag-aaral: si Rhean ay Grade 7, si Aura ay Grade 9, si Melody ay Grade 12, at si Miguela ay nasa ikalawang taon sa kolehiyo bilang education major.
Samantala, si Christine ay matagumpay nang nakapagtapos ng kolehiyo sa kursong Secondary Education at nakapasa sa Licensure Examination noong 2023. Ngayon ay nagta-trabaho siya sa Caloocan bilang cashier at regular na nagpapadala ng tulong sa kanyang mga kapatid habang nag-iipon para sa kanyang master’s degree.
Ang dalawang anak naman na sina Christian at Niño ay piniling magtrabaho muna upang makatulong sa pamilya. Bagama’t hindi nakapagtapos, nagsisikap silang maging bahagi pa rin ng pag-abot ng mga pangarap ng kanilang mga kapatid.
Hindi rin matatawaran ang naging papel ng Family Development Sessions (FDS) ng 4Ps sa pagpapalaki ng kanilang pamilya. Ayon kay Marilou, dito niya natutunan ang mas epektibong paraan ng pagpapalaki ng anak, ang pagpapatatag ng relasyon sa asawa, at ang pagbibigay-halaga sa edukasyon.
Nagsilbi siyang parent leader sa kanilang barangay—isang papel na hindi lang nagbukas sa kanya ng mga bagong kaalaman, kundi naging tulay din upang siya’y maging inspirasyon sa ibang magulang sa kanilang komunidad.
Malayo na, ngunit malayo pa,” ani Marilou.
Alam ni Nanay Marilou na marami pa silang haharapin, ngunit sa bawat diploma o medalya sa dingding, sa bawat ngiti ng kanyang mga anak, at sa bawat lakad na kanilang nilampasan—nandun ang bunga ng kanilang sakripisyo katuwang ang programang naging katuwang nila sa pagbangon—ang 4Ps.