“Ako po si Susan H. Gaurino, 46 taong gulang, nakatira sa Purok 3,
Dancalan Bulusan, Sorsogon. May asawa at tatlong anak na lalaki.
Mangigisda ang aking asawa at ako naman ay gumagawa ng mga
handicrafts. Ako po ay nakapag-tapos ng High School at ang asawa ko
naman ay naka tapos ng Grade 4. Ang aming sambahayan ay isa sa mga
mahihirap na pamilya na napabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino
Program noong 2011. Ang pinagkakakitaan ng asawa ko ay hindi
permanente lalo na po sa panahon ng Disyembre hanggang Pebrero na
kung saan mahina ang kita ng mga mangingisda. Sa panahong yan,
naranasan naming na mag hati-hati sa ininit na tirang kanin at ulam.
Mahirap po sa amin ang makahanap ng trabaho na may regular na sahod,
kaya pinangarap naming mag asawa na makapag-aral at mapag-tapos ang
aming mga anak. Subalit hindi namin alam saan kami kukuha ng pangtustos
sa pag-aaral ng aming mga anak lalo na’t wala kaming permanenteng pinagkakakitaan. May pagkakataon na dulot ng kakapusan
sa pera, nag-aaway kaming mag-asawa at minsa’y umabot kami sa punto
na nagkasakitan kaming mag asawa sa harap ng aming mga anak. Minsan
umiiyak ako habang nananalangin at hinihiling ko na sana mapagtagumpayan ng aming pamilya ang lahat ng pagsubok na magkakasama.
Isang araw, nagkaroon ng pagtitipon at pinatawag kami upang makilahok
sa oryentasyon na ginanap sa Dancalan Elementary School. Noong araw
na yun sinabi sa amin na kami ay magiging benepisyaryo ng Pantawid
Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na kung saan ay makakatanggap kami
ng benepisyo para sa edukasyon ng mga anak at kalusugan ng pamilya.
Malaki ang naitulong sa aming mahihirap ang benepisyong natatanggap
mula sa programa dahil isa ito sa susi para mapag-tapos namin sa pag
aaral ang aming mga anak. Kaya naman bilang kapalit sa tulong ng
gobyerno, sinusunod naming ang mga regulasyon at kondisyon ng
programa. Ako ay pinagkatiwalaan ng kapwa ko member at naging Parent
Leader ng aming grupo sa loob ng mahigit apat na taon. Natutunan ko
bilang isang lider kung paano mamuno sa mga miyembro at kung paano
sila gabayan at paalalahanan sa mga responsibilidad nila bilang
benepisyaryo ng programa. Marami po akong natutunan sa programa sa
tulong ng buwanang Family Development Session at mga meetings. Dahil
di po sa programa ako ay nakalahok sa mga trainings sa pakikipagugnayan
sa TESDA tulad ng Nail Care, Foot and Hand Spa NC II. Binigyan kami ng
sertipikasyon at mga kagamitan para makapag-simula at magkaroon ng
extra income sa pamamagitan nito. Nakapag training din po ako ng
handicraft making (bags and hat decoration) at sa kasalukuyan, ako ang
president ng SLP handicraft sa aming barangay. Isa rin po akong secretary
ng Dancalan Rural Workers Association (DARWA) na binuo ng ABS-CBN.
Ang programa, sa pamamagitan ng buwanag Family Development Session,
ay nakatulong upang magkaroon ako ng kompiyansa sa sarili at maniwala
na ako ay may kakayahan na mamuno sa isang organisasyon.
Dahil sa mga trainings na aking nadaluhan, nagkaroon ako ng dagdag
kaalaman kung paano mag kakaroon ng pagkakakitaan na maaaring
makatulong sa aming pamilya. Sa tulong ng mga programa/ trainings mula
sa ibat-ibang ahensya ay nagkaroon ako ng sariling kita sa bawat buwan at
dahil dito natulungan ko ang aking asawa sa paghahanap buhay at
nabawasan ang problema ng aming pamilya sa pananalapi. Ang mga pag
subok na dumaan sa amin ay mas pinagtibay ang samahan ng aming
pamilya na kung saan ang problema ay hindi na namin dinadaan sa pag
aaway at sumbatan, kundi pinaguusapan namin na mahinahon at nag iisip
ng solusyon kung paano ito mapapagtagumpayan. Sa pagsisikap naming
mag asawa, pagbibigay oportunidad sa pamamagitan ng iba’t ibang
ahensya at pag agapay ng programa, ang panganay ko na anak ay
nakapag tapos ng Automotive NC II at ang pangalawa naman ay nagtapos
na Agriculture NCII. At dahil din po sa tulong ng programa, at magandang
pagsasama ng aming pamilya, mayroon na po ng maayos na trabaho ang
dalawa kong anak at tumutulong sa gastusin namin sa bahay. Nakapag
paayos na rin po kami ng paunti-unti ng pangarap naming bahay. Sa
ngayon, isa na lang ang anak ko na minomonitor sa programa at ang aming
pamilya ay malapit nang magtapos sa programa. Hinding hindi ko po
makakalimutan ang tulong na naibigay sa amin ng gobyerno at lubos ang pasasalamat naming sa programa. Kami po ay proud na 4Ps beneficiary at
palagi pong tatatak sa isip ko na kami ay isang mahirap na pamilya na
ibinangon ng programang Pantawid Pamilya.”