Hindi simple ang maging isang community volunteer at barangay health worker sa panahon ng pandemya. Ang pagbibigay tiwala sa kakayahan ng isang tao ang siyang nagsisilbing lakas nito upang ipagpatuloy ang mga responsibilidad na inaatang sa kanya.

Ito ang isa sa mga hindi malilimutan na pagkakataon ni Teresa Hapin, community volunteer at barangay health worker ng Barangay Trece Martires, Casiguran, Sorsogon.

“Hindi ko malilimutan ang pagbibigay sa akin ng pagkakataon na maging isang chairperson ng BSPMC (Barangay Sub-Project Management Committee) sa aming komunidad,”sabi ng volunteer.

Ayon kay Teresa, binigyan siya ng komunidad ng buong tiwala na magampanan ang responsibilidad ng maayos.

Idinagdag pa ng volunteer, hindi na bago sa kanya ang Department of Social Welfare and Development Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan – Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (DSWD KALAHI-CIDSS) dahil naging parte na siya sa isinagawang proyekto noong nakalipas na siklo bilang miyembro ng Procurement Team.

Noong Agosto 10, 2016, nakumpleto ang pagpapatayo ng proyektong evacuation center bilang parte ng unang siklo ng programa. Nagkakahalaga ng PHP2,249,329.00 ang proyekto kung saan nakikinabang ang 16 na sambahayan.

Gamit ang mga natutunan ni Ginang Teresa sa nakaraang siklo, pinangunahan niya ang dalawang (2) proyekto na fishing paraphernalia para sa 108 na sambahayan at vegetable gardening tools para sa 598 na sambahayan. Ito ay pinundohan ng programa na nagkakahalaga ng PHP642,382.12.

Itong mga proyekto ay nagsilbing alternatibong pagkakakitaan ng komunidad para sa mga sektor na lubos naapektuhan ng pandemya katulad ng mga mangingisda at magsasaka.

Napag-alaman ang problema sa isinagawang Damage Assessment and Needs Analysis sa barangay kung saan 486 sa 598 na sambahayan o 81.27% ang may mababang kita at hindi permanente ang trabaho.

Ayon kay Teresa, makakatulong ang mga bagong kagamitan sa mga mangingisda at masisiguro rin na mayroong mapagkukunan ng pang-araw araw na gastusin ang kanilang pamilya.

Masisiguro rin na may mapagkukunan ng masusustansyang pagkain ang mga residente dahil sa mga itinanim na mga gulay at prutas gamit ang mga ipinamahaging gardening tools.

Isa sa mga naging kalakasan ng mga volunteers sa pagpapatupad ng mga proyekto ay ang pagkakaroon ng tiwala sa sarili at ang bawat isa sa komitiba ay kasama sa pagbuo ng plano at hindi lamang isa o dalawa ang nagdedesisyon. Lahat ay may partisipasyon.

Ipinahayag ni Teresa na hindi madali ang maging isang volunteer lalo pa ang maging chairperson dahil may mga panahon nahihirapan at napapagod siya bagamat hindi siya nagsisisi na tinanggap niya ang trabaho.

“Mararamdaman niyo ang saya bilang isang community volunteer kung ang lahat ng inyong ginagawa ay bokal sa inyong kalooban,” sabi ng volunteer.

Ginamit ni Teresa ang tiwala na ibinigay sa kanya bilang tungtungan upang magawa ang kanyang mga gawain. Isa ang tiwala sa pinakamalaking papuri sa isang tao dahil hindi ito matutumbasan ng kahit anong materyal na bagay.

TUNGKOL SA DSWD KALAHI-CIDSS

Ang DSWD KALAHI-CIDSS ay isang programa na tumutulong sa mga komunidad na tukuyin ang mga problema patungkol sa kahirapan at ipatupad ang mga proyektong pangkaunlaran gamit ang stratehiyang Community-Driven Development (CDD).

Upang mapabilis ang pagsasagawa ng mga proyekto sa panahon ng pandemya, ginamit ng programa ang Disaster Response Operations Procedure (DROP).

Ang DROP ay pinasimpleng Community Empowerment Activity Cycle (CEAC) kung saan sinusunod ang mga prinsipyo ng CDD.

Sa Sorsogon, apat (4) na munisipyo ang pinundohan ng programa na nagkakahalaga ng PHP45,658,050.00

Para sa karagdagang detalye ukol sa DSWD KALAHI-CIDSS, i-click ang link:

http://ncddp.dswd.gov.ph/site/faqs