Ang Bicol Inter-Agency Task Force (BIATF) for the Management of Emerging Infectious Disease ay nagpalabas ng resolusyon noong ika-20 ng Abril, 2021. Batay sa resolusyon, isasailalim sa granular o localized lockdown ang ilang mga barangay sa sampung bayan sa rehiyon upang maiwasan ang patuloy na pag-taas ng mga kaso ng COVID-19 dito. Base sa resolusyon, ilan sa mga bahagi ng mga bayan na natukoy ay isasailalim sa lockdown nang hindi bababa sa isang linggo o pitong araw.
Sa ilalim ng protokol, ang mga residente ay hindi papayagan na lumabas at makipag-halubilo sa iba. Dahil dito, apektado ang kanilang mga hanap-buhay. Bilang tugon, ang Department of Social Welfare and Development Region 5 ay nagbahagi ng mga Family Food Packs (FFPs) sa mga pamilya na naninirahan sa mga barangay na isinailalim sa granular lockdown. Layunin nito na mabigyan ng karagdagang pagkain ang mag residente na hindi pinapayagan na lumabas ng bahay upang maghanap-buhay o bumili ng kanilang mga pangunahing pangangailangan. Sa kasalukuyan, umabot na sa 3, 187 na Family Food Packs ang naipamahagi ng DSWD sa mga pamilya na naapektohan ng granular lockdown.
Kawalan ng hanap-buhay
Pangunahing suliranin ngayon ng mga residente ang kawalan ng hanap-buhay dahil sa lockdown. Base sa isang panayam, hindi pinapayagan ang mga residente na lumabas upang mag-saka. Ang mga mag-sasaka naman na may alagang hayop ay pinapayagang magpakain ng kanilang mga alaga ngunit, sa loob lamang ng limitadong oras. Apektado rin ang hanap-buhay ng mga construction workers dahil pansamantalang itinigil ang mga trabaho sa loob ng mga barangay na isinailalim sa lockdown. Ang mga manggagawa na no work, no pay ay hindi makakapasok sa kani-kanilang trabaho sa loob ng dalawang lingo o higit pa.
Pag-asa sa gitna ng pandemya
Higit pa sa panlaman-tiyan, ang Family Food Packs ng DSWD ay nagsisilbing simbolo ng pag-alalay ng gobyerno sa mga higit na nangangailangan. Labis na galak ang dala ng tulong para sa mga benepisyaryo nito. Ayon sa kanila, ang food packs ay malaking tulong para sa kanilang pamilya lalo pa at natigil ang kanilang mga hanap-buhay. “Masaya po kami dahil nabigyan kami ng tulong. Maraming salamat po sa DSWD para sa food packs na ibinigay ninyo”, saad ng isang benepisyaryo mula Camarines Sur.
Ganito rin ang saloobin ng isa pang benepisyaryo mula sa Sorsogon. Dahil no work, no pay ang trabaho, labis ang pag aalala ng isang padre de pamilya dahil sa kawalan ng mapag-kukunan ng pagkain para sa kanyang mag-anak. Ayon pa sa benepisyaryong nakapanayam, sinubukan din niyang humingi ng tulong mula sa kanyang mga kamag-anak. Ngunit tulad nya, ang mga ito rin ay dumaranas ng hirap dulot ng lockdown. “Karamihan po kasi hirap din dahil nasa Maynila po, ECQ din doon”. Dagdag niya, “natuwa kami sa food packs. Hindi po namin inaasahan na may dadating na blessing sa amin. Sinasanay na po namin ang mga sarili namin na tumayo sa sariling mga paa pero mahirap po dahil no work, no pay ng dalawang linggo, malaki din po ang pamilya ko, meron po akong pitong anak. Sabi po namin, wow, blessing! hindi nakalimot ang diyos at ang gobyerno”. Anuman ang hirap na nararanasan, mababakas pa rin sa mga residente ang pag-asa dahil sa mayroon silang kaagapay sa panahon ng pandemya
Ngayon, pinaka-mabisang panangga pa rin ang pagsunod sa mga health protocol. Payo ng isang lider ng barangay, “Sana po panatiliin na natin na laging magsuot ng facemask at mag-obserba ng physical distancing para maiwasan na ang lalong pagkalat ng COVID-19”.
Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang pamamahagi ng DSWD Region 5 ng food packs sa mga barangay na nasa ilalim ng granular lockdown. Ito ay isang patunay na ang ahensya ay handang magpa-abot ng tulong sa mga apektado ng anumang kalamidad, saan man sa rehiyon.