Sa mundong ito, totoo nga namang mahirap ang maging mahirap. Tila ba
isang sakit na hindi mo alam kung kalian mo malalagpapasan, lalong lalo
na kung hindi mo ito lalabanan. Kaakibat na rin ng pagiging mahirap ang
mga imposible at hindi siguradong kaisipan. Isa na rito ang edukasyon kung
saan sinusukuan o nakakaligtaan pa din ng karamihan sa mahihirap na
sambahayan.

Sa mga nagdaang taon ng implementasyon ng Pantawid Pamilyang Pilipino
Program (4Ps), marami padin ang mga nagsispagtigil sa pag-aaral sa ibat-ibang kadahilanan. Sa kabila nito, hindi nagtatapos sa pagiging ”Not Attending School” ang kwento ng maraming kabataan na bahagi ng programa sapagkat meron pa din mga muling bumabangon at nagpapatuloy sa kanilang minimithing tagumpay. Ito ang pahayag ni Annie Rose C. Bose, dalawampu’t tatlong (23) taong gulang na naninirahan sa Barangay Poblacion II Mobo, Masbate. Sya ay pangalawa sa limang anak nina Edencio at Nida Bose. Sya ay kasalukuyang nag-aaral sa Osmena Colleges na may kursong “Bachelor of Secondary Education Major in English”. Isang taon na lamang at makakapagtapos na sya sa kolehiyo at matutupad na ang pangarap ng
kanyang magulang na magkaroon ng batang propesyunal sa pamilya. Bagamat unti-unti nang nararamdaman ang pagkamit ng pangarap, hindi maikakaila ang kanyang hirap at sakripisyong ginawa sa mga nagdaang taon. Hindi naging madali, ngunit hindi din nagpatinang sa mga hamon sa buhay.

Taong 2011 nang simulang subukin ang mag-asawang Bose na pag-aralin
ng sabay ang dalawang anak na nasa hayskul kabilang pa dito ang tatlong
nasa elementarya. Ang ama ay isa lamang mangbubukid samantalang
walang trabaho ang ina at ang kinikita ay sapat lamang sa pang-araw araw
na gastusin. Sa kabila nito, nairaos padin ni Annie Rose ang ika pitong (7)
baitang kahit na may mga araw na pumapasok syang walang laman ang
tyan at naglalakad lamang papuntang paaralan.

Taong 2012 ay nakapag enrol pa si Annie Rose ngunit makalipas ang ilang
buwan ay kinailangan niyang huminto dala nang siya’y magkasakit na
umabot ng halos isang buwan. Nagkaroon sya ng “Typhoid Fever” at
nakaratay sa ospital ng ilang araw. Dahil dito, lumubo ang gastusin at
nalubog sa utang ang kanyang pamilya. Hindi na muling nakabalik sa pag-aaral si Annie Rose sapagkat nagdesisyon ang kaniyang mga magulang na
ang panganay na anak na muna ang pag-aaralin. Masakit man sa loob, kinailangan tanggapin ni Annie Rose ang kanyang kapalaran. Maraming mga araw na sya ay labis na kinakain ng kalungkutan. “Sa bawat pag uwi ng mga kapatid ko galing eskwela, lagi kong tanong sa sarili ko kung makakapag-aral pa ba ako? Kung hanggang dito na lang ba ang buhay at pangarap ko?”

Sa loob ng maraming buwan, bahay ang naging paaralan kung saan
paghuhugas ng pinggan, paglalaba at pagbabantay ng mas nakababatang
kapatid ang siyang pinagkaabalahan. Ang makita ang kaniyang mga
kaibigan na nakasuot ng uniporme at papuntang paaralan sakanya’y
nagpapa-alala na sya ay unti-unti nang napag-iiwanan. Samakatuwid, dahil
si Annie Rose ay pasok sa monitoring ng 4Ps sa aspeto ng edukasyon, ang
cash grant na kanilang natatanggap ay nabawasan at sya ay sumailalim sa
counselling galing sakanyang municipal link. Sumailalim din sya sa mga
youth development sessions na ang pinaka-layunin ay ang mahikayat
muling mag-aral ang mga batang huminto sa pag-aaral.
Makalipas ang tatlong taon ng pagiging not attending school (NAS) at mga
gabay galing sa municipal link, si Annie Rose ay sumubok ulit magpatuloy
sa kanyang pag-aaral. Ang kanyang pagbabalik eskwela ay
naimpluwensyahan din ng isang guro na nagtungo sa kanilang bahay
upang hikayatin siya na mag enrol sa Alternative Learning System (ALS) –
isang programa ng DepEd na naglalayong matulungan ang Out-of-School
Youths, may kapansanan, dating rebelde at iba pang tao na hindi
nakapasok sa paaralan o hindi nakapagtapos ng pag-aaral subalit
nagnanais matuto at magpatuloy sa pag-aaral.

 

Mobo, Masbate – Annie Rose Bose, kasama ang mentor sa simbahan na si Jennifer Villanueva 

 

Kasabay ng pagbabalik eskwela ay muli syang nakatangap ng cash grant
sa edukasyon matapos niyang sumunod muli sa mga kondisyon. “Simula
noon, ang perang natatanggap ko sa programa ay itinatabi na na aking ina
upang may pambili ng gamit at pangangailangan sa eswelahan. Malaki din
ang naitulong saakin ng mga kawani ng 4Ps na sya ding nagbigay lakas ng
loob na mag patuloy sa pangarap na minimithi ko.”

Lingid sa kaalaman ng lahat, si Annie Rose ay namasukan din bilang isang
kasambahay. Sa tuwing wala siyang pasok sa paaralan, nagbabantay sya
ng bata upang may pandagdag sa kanyang pag-aaral. Siya rin ay mas lalong napalapit sa Diyos sapagkat tuwing Linggo ay aktibo syang
nakikilahok sa mga gawain sa simbahan.

Taong 2017, si Annie Rose ay nakapagtapos sa ALS at matagumpay na
naipasa ang pag susulit. Kaya naman nang makuha nya ang sertipiko ng
pagkakapasa, ay sumubok syang ipagpatuloy ang pag-aaral sa kolehiyo.
Ginabayan si Annie Rose ng mga kawani ng 4Ps sa proseso sa pag-enrol
sa kolehiyo bilang isa sa mga interbensyon. Sinubukan niyang mag-enrol
sa kolehiyo, ngunit sa apat na paaralan ay hindi sya natanggap, sapagkat
hindi raw angkop o sapat ang kanyang educational background bilang ALS
passer. Sa kagustuhang makapag-aral sa kolehiyo, ipinagpatuloy nya ang
pag-enrol sa senior high school dahil sa taong 2018 ay mayroon nang k to
12 program. Ngunit matapos lamang ang isang linggo ay nakatanggap siya
ng tawag sa Osmena Colleges Masbate kung saan siya ay maaari nang
mag enrol sa kursong Bachelor of Secondary Education.

Hindi naging madali ang buhay kolehiyo para kay Annie Rose. Mas tumaas
ang gastusin at ganoon din ang matrikula. Sa kalayuan ng paaralan
sakanilang komunidad, kapag walang pamasahe ay mas pinipili na lamang
ni Annie Rose maglakad, makapasok lamang. May mga araw din na
kumakalam ang kanyang sikmura habang nasa silid-aralan sapagkat
pamasahe lamang ang meron siya at kung may sobra man ay inilalaan niya
para may pambayad sa mga kontribusyon sa klase. Mabuti na lamang at
nakapasok sya sa Unifast, isang scholarship grant ng gobyerno kung saan
ang mga benepisyaryo na 4Ps ang binibigyang prayoridad. Malaki ang
naiambag nito sa kanyang pag-aaral. Sa tulong din ng mga kawani ng 4Ps
ay nakakapaghanap ng sideline si Annie Rose. Kahit mahirap ay kailangan
niyang pagsabayin upang sya ay makapag-aral. Naranasan nyang maging
reloader, magtinda ng peanut butter at higit sa lahat mag-alaga ng bata.

Ngayon, isang taon na lamang at makakapagtapos na sa kolehiyo si Annie
Rose. At hindi lamang yon, sya rin ay nakatanggap ng magandang
oportunidad. Bago pa man makamit ang pagiging guro, nararanasan na
nyang makapagturo sa mga kabataan. Sya ay itinalaga bilang isang
facilitator ng kanilang simbahan na nagtuturo sa ibat-iabng barangay tuwing may outreach activity. “Ako’y nakakapag turo hindi lang ng kwentong
edukasyon kundi maging ang salita ng Diyos. At isa rin ito sa nag bibigay
ng lakas sa akin upang magpatuloy at tapusin ang pag-aaral, magsumikap
pa sa buhay at maging isang mabuting guro sa darating na panahon.”
Para kay Annie, malaki ang naiambag ng Alternative Learning System sa
kanyang kwentong pang edukasyon. Gayun din ang Pantawid Pamilyang
Pilipino Program at ang mga kawani nito. “Siguro walang magandang
patutunguhan kung ang mga katanungan ko noon ay nanatili lamang sa
kahon. Kahit alam kong malayo layo pa ang aking lalakbayin, positibo
akong mapagtatagumpayan ko ang pinagpapaguran ko ngayon.”
Ang kwentong ito ay isa lamang halimbawa na sa kabila ng hirap at mga
pagsubok sa buhay, walang imposible sa taong may pangarap. Si Annie
Rose ay isang patunay na edukasyon padin ang pinakamainam na
solusyon sa kahirapan.